ISULAN, Sultan Kudarat – Inihayag ng Philippine Army na maaari nang magsibalik sa kani-kanilang tahanan ang mga residenteng lumikas sa kasagsagan ng pakikipaglaban ng militar sa umano’y teroristang grupo sa Butig, Lanao del Sur sa nakalipas na mga araw.
Tiniyak ni Col. Noel Samarita, operations officer ng 103rd Army Brigade, na kontrolado na ng militar ang lugar at naisagawa na rin ang clearing operations, partikular sa mga barangay ng Puktan at Ragayan.
Matatandaang sa bakbakan sa nabanggit na mga lugar ay nasawi ang tatlong sundalo at 40 rebelde.
Kasabay nito, idinepensa rin ni Samarita ang paghihigpit ng militar sa mga pumapasok na relief goods sa Butig, upang maiwasan na ang grupo ng mga terorista ang makinabang sa mga ito.
Ang grupong nakabakbakan ng militar ay sa magkapatid na Omar at Abdullah Maute, na sinasabing sumisimpatiya sa international terror group na Islamic State (IS). (Leo P. Diaz)