KAPANALIG, sa Marso 8 ay gugunitain at ipagdiriwang ang International Women’s Day. Ang kapakanan ng mga kababaihan sa mga lansangan ay nabigyan na ba natin ng sapat na atensiyon?

Ang access sa maayos at ligtas na transportasyon ay sinasabing isa sa mga pangunahing hadlang sa partisipasyon ng kababaihan sa lipunan. Ang traffic sa ating bansa, kapanalig, at ang kahirapan sa transportasyon ay may malalim at malawig na epekto hindi lamang sa labor force participation ng mga kababaihan kundi sa kalidad ng kanilang buhay at ng kanilang pamilya.

Sa Metro Manila, 51 porsiyento ng populasyon ay kababaihan. Mahigit pa sa kalahati ng populasyon ng kababaihan sa Metro Manila ay kasapi na ng labor force. Ang kanilang pangangailangan sa transportasyon ay dinidikta ng kanilang trabaho, edukasyon, at responsibilidad, ayon sa UP Forum.

Jeepney ang karaniwang gamit ng karaniwang Pilipino sa pagpasok sa trabaho kung saan 36% ng mga commuter ang tumatangkilik nito. Sumusunod dito ang bus na 31%. Sa mga nasabing transport vehicle, pati na rin sa MRT at LRT, ay palaging siksikan, punuan, at minsan pa nga’y nauubusan ng masasakyan ang mga commuter.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kakambal na nito ang kapahamakan, lalo na sa kababaihan. Ayon sa isang pag-aaral ng UP College of Social Work and Community Development, ang iba’t ibang salik ng ating public transport system ay maaaring magbunsod ng sexual harassment. Ang siksikan kasi ay nagdudulot ng madalas na physical contact, at ni hindi mo masiguro kung ang physical contact na ito ay sadya o dahil sa siksikan lamang. At dahil hindi mo kilala at hindi mo makilala ang mga nakasiksikan mo, hindi mo alam kung sino ang irereklamo mo at kung dapat ka bang magreklamo.

Ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank, ang kaligtasan at bilis ng public transport ay malaking tulong para sa kababaihan. Sila ay nagiging panatag at komportable. Kailangan ng tulong ng mga kababaihan kaugnay sa isyu na ito, lalo na’t pinagsasabay nila ang trabaho at home care work. Alam natin kapanlig, sa ating lipunan, madalas sa babae pa rin nakakasalalay ang trabahong bahay. Baka naman maaari na sa lansangan, gawin naman nating mas magaan at ligtas ang kanilang buhay?

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)