Sugatan ang isang estudyante matapos siyang saksakin ng holdaper na kanyang kinuryente gamit ang taser, habang sakay sila sa isang pampasaherong jeep sa Quiapo, Manila, nitong Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Harrold Pura, na nagtamo ng tama ng saksak sa tagiliran.
Agad namang naaresto ng mga tauhan ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) ang suspek na si Jonel Pineda, nang matiyempuhan itong tumalon sa center island sa Quezon Boulevard sa kanyang pagtakas.
Lumitaw sa imbestigasyon na sakay si Pura sa isang pampasaherong jeep nang magdeklara si Pineda ng holdap, dakong 1:30 ng hapon nitong Biyernes.
Habang nakatutok ang patalim ni Pineda sa leeg ni Pura, binunot ng estudyante ang taser na bigay ng kanyang ama at kinuryente ang suspek.
Bukod sa mahina na ang baterya ng taser, pumalpak din ang security gadget at maging si Pura ay nakuryente rin, kaya nakabunot si Pineda ng patalim at sinaksak ang biktima.
Sinabi ni Pura sa pulisya na inakala niyang sinuntok lamang siya ni Pineda hanggang sa napansin na may tumutulong dugo sa kanyang tagiliran.
Ayon kay Chief Insp. John Guiagi, hepe ng Plaza Miranda PCP, ilang beses nang nasangkot si Pineda sa krimen, tulad ng panghoholdap at pamamaril, kahit noong menor de edad pa lang ito. (Argyll Cyrus B. Geducos)