SAMBOAN, Cebu – Binatikos ni independent vice presidential candidate Senator Francis Escudero ang umano’y panggigipit ng administrasyon sa mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC) bunsod ng umano’y ura-uradang pagkakasibak kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian sa serbisyo.

Sinabi ni Escudero, na katambal ni presidential aspirant Sen. Grace Poe sa eleksiyon sa Mayo 9, na naglabas na ng kautusan nitong Biyernes ang Office of the Ombudsman laban kay Gatchalian na itinuturong kabilang sa mga responsable sa pagkamatay ng 72 obrero sa sunog sa Kentex factory sa Valenzuela City noong Mayo 2015.

Si Gatchalian ang tagapagsalita sa usaping pulitikal ni Poe, ang nangunguna ngayon sa iba’t ibang presidential survey.

Agad namang nakakuha ng temporary restraining order (TRO) sa korte ang alkalde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ang rason nila dahil nag-issue daw ng provisional permit nang wala pang inspeksiyon ang Bureau of Fire. Pero lahat ng mayor sa buong Pilipinas ginagawa at ginawa din ‘yan, dahil nag-isyu ng memorandum ang DILG sa ilalim ng dating kalihim nito na si Secretary Robredo na dapat gawin n’yo ‘yan para hindi ‘yan hindrance in doing business dahil kokonti ang tao at empleyado ng Bureau of Fire, at ang tagal bago mainspeksiyon nila lahat,” pahayag ni Escudero sa media sa panayam sa bahay ni Samboan Mayor Raymond Calderon.

Ikinonsidera ni Sen. Chiz ang desisyon ng anti-graft court bilang harassment sa mga tagasuporta ng Partido Galing at Puso (PGP).

Nitong Lunes, inihayag ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang suporta nito sa tambalang Poe-Escudero para sa halalan.

“Bakit ko nabanggit at nasabi ‘yon? Hindi naman siguro tama na isa lang at hindi naman siguro nagkataon lang na NPC pa ang biglang binabaan ng ganyang desisyon at spokesperson pa ni Senator Grace,” giit ni Escudero.

(CHARISSA M. LUCI)