Tiwala si Parañaque City Police chief Senior Supt. Ariel Andrade na hindi pa nakakaalis ng bansa ang apat na suspek sa pagpaslang sa isang casino executive kasunod ng pagkakalagay ng pangalan ng mga ito sa watch list ng Bureau of Immigration (BI) at Department of Justice (DoJ).
Biyernes ng umaga nang maghain ang awtoridad ng kasong murder sa Parañaque Prosecutor’s Office laban kina Rodney Ynchausti, nobyo ng biktima, ng BF International Village, Las Piñas City; Molo Hwang; at Josiebell Bea Lim Uy, kapwa empleyado ng Solaire Resort and Casino; at Paolo Egoc.
Lumitaw sa autopsy report ng Southern Police District-Crime Laboratory na pananakal ang ikinamatay ni Edgel Joy Durolfo, assistant manager for VIP Premium Services ng Solaire Resort sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Ayon kay Andrade, patuloy silang nagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa krimen, at isinailalim na sa forensic examination ang cell phone at damit ni Durolfo.
Bukod dito, magkakaroon din ng toxicology test sa labi ni Durolfo para alamin kung lumaklak ito ng ecstacy na unang idinahilan ni Ynchausti sa umano’y overdose sa nabanggit na droga na ikinamatay ng biktima.
Aalamin ng awtoridad kung biktima rin ng panggagahasa ang biktima.
Hinala ng pulisya na ang tinamong mga pasa ni Durolfo sa katawan ay posibleng indikasyon na nanlaban ang biktima sa mga suspek. (Bella Gamotea)