Vehicular Accident_C5 Road Northbound_Taguig_05Feb2016-2 copy

Walong sasakyan, kabilang ang Toyota Fortuner na sinasakyan ni San Narciso, Quezon Mayor Eleanor Uy, ang nagkarambola matapos mawalan ng preno ang isang 10-wheeler truck, na ikinasugat ng anim na katao sa C-5 Road sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City, nitong Biyernes ng gabi.

Sugatang dinala sa Saint Luke’s Medical Center si Doralyn Yara dahil sa mga tinamong galos at pasa sa katawan, habang agad namang nakalabas sa Taguig-Pateros District Hospital ang limang iba pang nasugatan sa aksidente.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng Taguig City Traffic Department, dakong 10:00 ng gabi nang biglang mawalan ng preno at naputulan ng propeller ang 10-wheeler truck (WIV-423) na minamaneho ni Nonito Vista, nasa hustong gulang, taga-Quezon City, sa C-5 Road.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nabangga ng truck ang nasa harapan niyang Elf truck, na may kargang mga itlog, na sumalpok naman sa apat na sports utility vehicle (SUV) at dalawang Toyota Corolla.

Hindi na umano nagawa ni Vista na kabigin pakaliwa ang truck para ibangga sana sa puno.

Nadamay sa karambola ang itim na Toyota Fortuner (VEW-625) na minamaneho ni Yara, gayundin ang silver Toyota Fortuner (SJD-596) na sinasakyan ni Mayor Uy, na may tatlo pang kasamahan. Hindi sila nasaktan sa aksidente.

Agad sumuko sa awtoridad si Vista at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries at damage to property. (BELLA GAMOTEA)