SA panahon ng Kuwaresma o Lenten Season, maraming tradisyon ang binibigyang-buhay at ginugunita ng mga Kristiyanong Katoliko kaugnay sa huling 40 araw na pangangaral ni Kristo bago ang Kanyang kamatayan sa Krus.
Isa na rito ang “Via Crucis” o Way of the Cross sa loob ng mga simbahan o kapilya, nagsasagawa rin ng “Pabasa” o pagbabasa ng pasyon, at Penitensiya sa mga bayan sa iba’t ibang lalawigan. At palibhasa’y nakaugat na sa ating kultura, maraming dumarayong turista sa panahon ng Kuwaresma.
Sa Angono, Rizal, isa sa binibigyang-buhay sa panahon ng Kuwaresma ang Semana Santa exhibit.
Ang Semana Santa sa Angono ay sisimulan ngayong Sabado (Marso 5). Makikita ang 70 imahen sa unang palapag ng Formation Center ng Saint Clement parish at sa kanang bahagi sa loob ng simbahan. Ang Semana Santa exhibit ay nasa pamamahala ng pamunuan at miyembro ng Samahang Semana Santa, sa pangunguna ng pangulo nito na si Dr. Rannie Blanco.
Matatapos ang exhibit sa Marso 9.
Marami sa mga imhen na kasama sa Semana Santa exhibit ay mahigit 100 taon nang iniingatan at inaalagaan ng mga naging tagapagmana.
Mababanggit na halimbawa ang mga imahen ng Tatlong Maria na sina Sta. Maria Magdalena, Sta. Maria Jacobe (Mary of Cleofas) at Sta. Maria Salome, kabilang din sina Sta. Veronica, at Sta. Juana, Sta. Marta.
Nasa exhibit din ang imahen ng Mater Dolorosa Jesus Nazareno, ang mga alagad ni Kristo, Huling Hapunan, paghampas kay Kristo na nakagapos sa haliging bato, pagpapako sa Krus, paglilibing at ang Muling Pagkabuhay. Ang mga nasabing imahen ay isinasama sa prusisyon tuwing Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay. Ang mga may-ari ng imahen ay naghahanda at nagluluto ng pagkain tuwing Semana Santa. Ipinapakain nang libre sa mga dumadalo sa Pabasa.
Ang pormal na pagbubukas ng Semana Santa exhibit sa Angono, Rizal ay sisimulan ng pagbabasbas o bendisyon sa mga imehen, sa pangunguna ni Rev. Father Roy Crucero, kura paroko ng Saint Clement parish.
Sa huling gabi ng Semana Santa exhibit ay ang “Pabasang Bayan” o Pabasa ng mga kabataang babae at lalaki at mga senior citizen. (CLEMEN BAUTISTA)