SA panahon ng pang-aabuso, pamilya ang unang tinatakbuhan ng biktima. Ngunit paano kung ang sarili pa mismong ina ang magtakwil sa kanya sa kabila ng ginawang kalapastanganan?

 

Ito ang kuwentong isasabuhay sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi, tampok si Mariel Pamintuan bilang si Sally na ilang beses na ginahasa ng kanyang tiyuhin at amain.

Sa edad na anim, naging biktima na ng pangmomolestiya ng kanyang tiyuhin si Sally ngunit pinili itong itago para maprotektahan ang mga kapatid.

Relasyon at Hiwalayan

Arra San Agustin, ayaw ng may kahati sa relasyon: 'Alam ko worth ko!'

 

Pagkaraan ng ilang taon, muling iibig ang nanay niyang si Lydia (Sunshine Cruz) sa kapatid ng namapayapang asawa nito – ang isa pang tiyuhin ni Sally na siya namang muling wawasak sa kanyang pagkatao.

 

Sa kabila ng takot, magkakalakas ng loob si Sally na sabihin sa kanyang ina ang panggagahasa sa kanya ng amain.

Ngunit lalong guguho ang mundo ng dalaga dahil sa halip na kampihan, mismong ang kanyang ina pa ang magtatakwil sa kanya at aakusahang nagsisinungaling lang siya.

 

Makakasama nina Mariel at Sunshine sina Ronnie Quizon, Alex Medina, Carla Martinez, Lander Vera Perez, Laiza Comia, Lance Lucido, John Steven de Guzman, Micah Muñoz, Jennifer Mendoza, Noel Colet, Maila Gumila, at Erin Ocampo.

Ang episode ng MMK ngayong gabi ay mula sa panulat ni Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Raz de la Torre. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos.