NEW YORK (AFP) – Nagbukas ang pinakamagastos na train station sa mundo nitong Huwebes sa New York, halos $2 billion ang inilagpas sa budget at ilang taong nahuli mula sa nakatakdang pagbubukas, ngunit tinawag na handog ng pagmamahal ng European architect na nagdisenyo nito.

Ang World Trade Center Transportation Hub, na inaasahang magsisilbi sa mahigit 200,000 commuter araw-araw, ay itinayo sa tabi ng dating Twin Towers, na winasak ng terror attacks noong Setyembre 11, 2001.

Si Santiago Calatrava, ang Spanish-Swiss architect na nagpakilala sa ambisyosong disenyo 12 taon na ang nakalilipas, ang nag-alis sa mga harang sa pasukan ng Oculus, ang higanteng oval hall na ang mga pader ay gawa sa steel ribs at glass.

‘’This is a great moment. This is a gift for all New Yorkers,’’ pahayag niya sa pagbubukas para sa rail commuters.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

‘’I hope the New Yorkers embrace it like we do and that they see the message of love to them.’’

Ang gusali ay pinagmulan ng malaking kontrobersiya -- sa matapang na aesthetic, sumobra sa itinakdang budget at halos pitong taong nahuli sa schedule nito.

Unang pinaglaanan ng $2 billion, natapos ito na pinagkagastusan ng $3.85 billion, ayon sa tagapagsalita sa opisina ni Calatrava. Ito na ang pinakamahal na istasyon ng tren sa mundo.

Sinabi ni Calatrava na umaasa siya na matutuwa ang financial at entertainment capital ng America sa gusali na inaasahan niyang magiging ‘’big civic monument like Grand Central’’ -- isa sa pinakatinatanging landmark sa New York.

Ang gusali ay hugis elliptical, na nakaturo sa kalangitan gaya ng mga pakpak ng ibon. Ito ay may sukat na 350 feet (107 meters) ang haba at 115 feet (35 meters) ang lapad.

Ang pagbubukas nitong Huwebes ay partial opening lamang – nakatakdang magbukas ang higanteng shopping at restaurant plaza nito sa Agosto.

Ikinokonekta ng center ang PATH commuter rail sa New Jersey sa New York subway lines at nagbibigay ng indoor pedestrian access sa mga tore ng Trade Center.