NAKIKIPAGTULUNGAN ang Google sa United Nations Children’s Fund o UNICEF upang matunton ang pagkalat ng Zika virus, at magkakaloob pa ng milyong dolyar upang matiyak na magiging matagumpay ang proyekto.

Isang grupo ng mga volunteer ng mga Google engineer, designers at data scientists ang tumutulong sa UNICEF sa pagbubuo ng isang computer platform na magsusuri ng mga datos mula sa source, gaya ng lagay ng klima at impormasyon ng mga biyahe upang matukoy ang posibilidad ng epidemya, ayon sa blog post ng direktor ng charity section ng Internet giant.

“Ultimately, the goal of this open source platform is to identify the risk of Zika transmission for different regions and help UNICEF, governments and NGOs decide how and where to focus their time and resources,” sabi ni Google.org Director Jacquelline Fuller.

‘This set of tools is being prototyped for the Zika response, but will also be applicable to future emergencies.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang milyong-dolyar na kaloob sa UNICEF ay inilaan para sa pagpigil sa pagdami ng populasyon ng lamok, pagde-develop ng mga diagnostic at bakuna, at pagsusulong ng kamulatan at pag-iwas na madapuan ng sakit, ayon kay Fuller.

Inilunsad din ng Google ang isang kampanya para tumbasan ang donasyon ng mga empleyado, na may layuning magkaloob ng karagdagang $500,000 para sa UNICEF at sa Pan American Health Organization na nagsisikap labanan ang Zika.

Pinadami ng Google ang impormasyong pangkalusugan tungkol sa Zika at ang dami ng lengguwahe na magagamit sa mga kaalamang ito sa search engine nito, bukod pa sa mga video sa YouTube, na pawang ang layunin ay magsulong ng kamulatan tungkol sa sakit, ayon kay Fuller.

Ang mabilis na kumakalat na Zika virus, na nakaapekto na sa mahigit 20 bansa sa Latin America, ang hinihinalang nasa likod ng biglaang pagdami ng kaso ng neonatal microcephaly, o ang pagliit ng utak at bungo ng mga bagong silang.

Pinakamatinding naapektuhan ng virus ang Brazil.

Naglunsad na ang mga bansa sa rehiyon ng mga operasyon upang masawata ang maruruming tubig na pinangingitlugan ng mga lamok na nagdadala ng Zika, at sinisisi rin sa pagkalat ng dengue virus at chikungunya virus.

Natukoy na ng Cuba ang una nitong kaso ng Zika sa isang doktor na Venezuelan na nagtungo sa isla para sa kanyang postgraduate studies, ayon sa health ministry.

Ang 28-anyos na babae, na dumating sa Cuba nitong Pebrero 21, ay naospital sa Pedro Kouri Tropical Medicine Institute sa kabiserang Havana. (Agencé France Presse)