Dapat na isumbong ng publiko sa Commission on Elections (Comelec) ang anumang paglabag sa election rules, kabilang na ang umano’y paggamit sa mga gamit at pasilidad ng gobyerno sa pangangampanya, partikular para sa mga kandidato ng administrasyon.

Ito ang panawagan ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma sa publiko upang matiyak na magiging patas ang kampanya at magiging maayos ang eleksiyon, iginiit na kinokondena ng gobyerno ang anumang pag-abuso sa paggamit sa pondo at iba pang pag-aari ng gobyerno para sa pangangampanya.

Nagkomento si Coloma kasunod ng pagbatikos ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, kandidato sa pagkapangulo, sa tinawag nitong “shameless and loathesome” na paggamit ng government resources, kabilang na ang mga sasakyang may pulang plaka, para ikampanya ang tambalang Mar Roxas at Leni Robredo.

Iginiit ng kampo ni Duterte na ang mga ganitong pag-abuso ay taliwas sa “tuwid na daan” na ikinakampanya ng administrasyon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Binatikos din si Roxas sa pag-aalok ng mga proyekto ng gobyerno, gaya ng Conditional Cash Transfer program at Bottom-Up Budgeting, tuwing nangangampanya.

“Hindi pinapahintulutan ng pamahalaan ang paggamit sa pulitika ng government resources kaya nananawagan kami sa mamamayan na i-report sa Comelec ang mga masasaksihang paglabag sa batas,” ani Coloma. (Genalyn D. Kabiling)