Kahit nagtala nang matikas na panalo kay Yesner Talavera ng Nicaragua sa Pinoy Pride kamakailan, sumadsad sa world ranking ng International Boxing Federation (IBF) si “Prince” Albert Pagara.

Sa inilabas na datos ng IBF, nasa ikaapat lamang sa contender ang Pinoy undefeated champion.

Naidepensa ni Pagara (26-0-0, 18 knockouts) ang kanyang WBC title kontra Talavera, kamakailan sa Waterfront Hotel and Casino sa Lahug, Cebu City. Ngunit, naungusan siya ng dating nakalistang No. 4 na si Rey Vargas (26-0, 21 knockouts) ng Mexico na nagwagi naman via TKO kay Christian Esquivel sa California.

Dahil dito, malaki ang posibilidad na hindi makalaban ni Pagara si IBF super bantamweight champion Carl Frampton ng United Kingdom, na idinagdag pa ang World Boxing Association (WBA) belt sa kanyang koleksiyon matapos talunin ang kababayang si Scott Quigg noon ding Sabado sa Manchester.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Subalit naiipit si Frampton dahil inatasan siya ng IBF na idepensa ang korona kontra kay No. 1 contender Shingo Wake ng Japan kasabay din ng pag-utos sa kanya ng WBA na ipagtanggol ang bagong WBA title laban kay dating titleholder Guillermo Rigondeaux ng Cuba.

Kung bibitiwan ni Frampton ang kanyang IBF title, magtutuos na lamang sina IBF No. 1 Wake at No. 3 Vargas para sa mababakanteng korona.

“I'm not really surprised that Albert was dropped,” sambit ni ALA Promotions President Michael Aldeguer. “Last October, we were supposed to defend Albert's IBF Intercontinental super bantamweight belt but we were not able to do so. I think that was the reason why he was dropped.”

Mas pinili ng ALA Promotions na ilaban si Pagara para sa World Boxing Organization (WBO) Intercontinental super bantamweight title at pinatulog nito si Nicaraguan William Gonzalez sa 6th round sa StubHub Center sa Carson, California. (Gilbert Espeña)