Sinampahan na ng kasong murder sa Parañaque City Prosecutor’s Office ang apat na suspek, kabilang ang nobyo ng pinaslang na 24-anyos na assistant manager ng Solaire Resort and Casino sa lungsod, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Parañaque City Police chief Senior Supt. Ariel Andrade ang apat na kinasuhan na sina Rodney Ynchausti, nobyo ng biktima at nakatira sa BF International Village, Las Piñas City; Molo Hwang; at Josiebell Bea Lim Uy, kapwa empleyado ng naturang hotel casino; at Paolo Egoc.

Pasado 11:00 ng umaga nang pormal na ihain nina SPO3 Reynaldo Amado at PO3 Johnny Margate ang tatlong-pahinang charge sheet at nakapaloob dito ang resulta ng autopsy report mula sa Southern Police District Crime Laboratory na gagamiting ebidensiya laban sa apat na suspek.

Lumitaw sa pagsusuri sa labi ni Edgel Joy Durolfo, assistant manager for VIP Premium Services ng Solaire Resort and Casino, na namatay ito sa pananakal (asphyxia by manual strangulation).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa inisyal na report, nagtamo ng mga pasa sa braso, kamay, paa at kapansing-pansin ang marka sa leeg ng biktima.

Wala na ring malay si Durolfo nang dalhin sa San Juan De Dios Hospital noong madaling araw ng Pebrero 26.

Unang sinabi ni Ynchausti na-overdose si Durolfo sa pag-inom ng ecstacy sa kanilang party kasama ang tatlong iba pang suspek sa isang silid sa hotel casino. (BELLA GAMOTEA)