Vice at Direk Wenn copy

DUMAGSA ang mga kaibigan at nakatrabaho ni Direk Wenn Deramas sa Misa at eulogy para sa kanya sa Arlington Memorioal Chapel nitong nakaraang Huwebes. 

Nauna muna ang live segment ng Tonight With Boy Abunda bago nagsalita ang Star Cinema at Star Music top executive na si Roxy Liquigan, ang pag-awit nina Angeline Quinto at KZ Tandingan. Dumating din si Karla Estrada at iba pa.

Ang pinakaabangan ng lahat ay ang pagbibigay-pugay ni Vice Ganda at ang pagbabalik-tanaw sa mga alaala at pinagsamahan nila ng kanyang BFF.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Sabi nila sa akin, gawin ko lang daw light ito. Hindi ko alam kung paano kasi iniisip ko pa lang na wala ka na hindi ko na alam ang gagawin ko,” emosyonal na bungad ng It’s Showtime host. 

Ikinuwento ni Vice ang mga pinagdaanang hirap sa piling ng kanyang direktor.

“Nag-apat na mukha na ako sa Girl, Boy, Bakla, Tomboy at kung anu-ano pa. Pero ang pinakamahirap, ‘yung ako ang kailangan pumili ng kabaong na gagamitin niya at ‘yung damit na isusuot niya,” nagpapahid ng luhang wika ni Vice.

Hindi pa man pinal ang Daniel Padilla-Vice movie for 2016 MMFF na si Direk Wenn din sana ang hahawak, may projection na agad ang ilang industry observers na ito ang susunod sa The Beauty and The Bestie na kumita ng mahigit kalahating bilyong piso sa takilya.

“Paano na natin gagawin ‘yung pangarap mo na maging Darna rin ako?” ani Vice. “Plano po namin gawin ang Darna Na Si Ding, kumbaga naging bading na si Ding noong malaki na siya.”

Bilang pagtatapos sa kanyang eulogy, bumigkas ng isang tula si Vice.

“Mahirap gumawa ng tula kung alam ko na wala ka na at ‘di na kita makikita,” aniya.

Ngayong alas diyes ng umaga, ilalagak sa Dolphy Theater sa ABS-CBN ang mga labi ni Direk Wenn hanggang bukas, bago siya ihatid sa kanyang huling hantungan. (ADOR SALUTA)