Itinapon sa dagat ng Navotas ang bangkay ng dalawang tricycle driver matapos silang pagtatagain ng samurai sword o katana ng isang lalaki na hinihinalang drug lord, habang himala namang nakaligtas ang isa pa nilang kasamahan, nitong Huwebes ng gabi.

Lumutang sa dagat ang mga bangkay nina Crisanto Sigua, 28; at Alexis Fuentes, 21, kapwa taga-Sampaguita Street, Barangay Tanza, Navotas City.

Tadtad ng saksak sa iba’tibang bahagi ng katawan ang mga biktima, habang si Sigua ay nakagapos ang mga kamay at nababalutan ng masking tape ang mukha.

Himala namang nabuhay si Joel Espinosa, 23, na may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at halos dalawang oras na nakalutang sa karagatan na pinagtapunan sa dalawa pang biktima.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

Arestado naman si Mario Laderas, 29, kapitbahay ng mga biktima.

Ayon sa report, dakong 9:00 ng gabi nang narinig ng mga residente ang palahaw ng nagmamakaawang mga biktima sa loob ng bahay ni Laderas.

Sa takot ng mga naroroon, hindi nila sinilip kung ano ang nangyayari sa bahay ni Laderas, pero may naglakas-loob na tumawag sa presinto at sinabi ang pangyayari.

Agad na nagresponde ang mga tauhan ng Navotas Police at nakita pa ng mga pulis ang dugo ng mga biktima sa sahig ng bahay ng suspek, gayundin ang duguang katana.

Kuwento ng mga residente, kilalang drug pusher at siga sa kanilang lugar si Laderas.

Posible umanong hindi nag-remit ng benta sa shabu ang mga biktima kaya dinukot at pinatay ng suspek ang mga ito.

(Orly L. Barcala)