CAMP GENERAL ALEJO SANTOS, Bulacan – Isang hinihinalang drug pusher ang napatay matapos na mauwi sa engkuwentro ang isang buy-bust operation sa mga barangay ng Sto. Cristo at Camias sa bayan ng San Miguel, nitong Miyerkules.

Nadakip din ang limang iba pang suspek, na nakumpiskahan din ng mga baril, bala, at ilegal na droga.

Kinilala ni Bulacan Police Provincial Office officer-in-charge (OIC) director, Senior Supt. Timoteo G. Pacleb ang napatay na si Ferdinand Tecson Sanguyo, Jr. alyas “Camote”, 32, may asawa, walang trabaho, ng Bgy. Camias, San Miguel, Bulacan.

Arestado naman sina Gerald Peñaflor y Flores, 29, binata, ng Bgy. Tonsuya, Malabon City; John Oliver Gonzales y Hernandez, 22, binata, ng Bgy. Partida, San Miguel; Dennis Salvador y Aquino, 27, binata, ng Bgy. Sta. Ines, San Miguel; Ryan Sanguyo y Tecson, 25, binata, ng Bgy. Camias, San Miguel; at Roselyn Peñaflor y Adap, 26, ng Bgy. Tonsuya, Malabon City.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Batay sa report ni Supt. Joel S. Estaris, OIC chief ng San Miguel Police, nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at mga pulis dakong 2:50 ng umaga nitong Miyerkules sa Bgy. Camias.

Narekober ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa pinangyarihan ang anim na heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang .38 caliber revolver na may mga bala, at shabu paraphernalia. (Freddie C. Velez)