SINA Ted Failon at Kim Atienza, bagong Hall of Fame awardees ng Anak TV, ang nanguna sa 40 Kapamilya winners sa 18th Makabata Awards na ginanap sa Sokka Gakkai International building sa Quezon City.
Ang anchor ng TV Patrol at host ng Matanglawin na parehong iginagalang sa kanilang larangan at itinuturing bilang mga modelo ng kabataan, ay parehong nanalo sa Makabata Awards ng hindi bababa sa walong sunud-8sunod na beses, tulad ng iba pang Makabata Hall of Famers mula sa ABS -CBN, na sina Kim Chiu at Toni Gonzaga.
Hindi lang sina Ted at Kim ang natatanging ABS-CBN News personalities na kinilala kundi pati ang co-anchor ni Failon sa TV Patrol na si Noli de Castro na kinilala naman bilang isa sa Male Makabata Stars of 2015 kasama ang Umagang Kayganda anchor at ABS-CBN News correspondent na si Atom Araullo. Ang iba pang mga personalidad na ginawaran ng Male Makabata Star para sa ABS-CBN ay sina Coco Martin (top vote getter), Enrique Gil, James Reid, Vhong Navarro, Luis Manzano, at Boy Abunda.
Sa female category, nanguna naman si Charo Santos-Concio, kasama sina Kathryn Bernardo, Judy Ann Santos, Jodi Sta. Maria, Janella Salvador, Lea Salonga, Liza Soberano, at Alex Gonzaga.
Binigyan din ng parangal ang mga programa ng ABS-CBN sa pagiging values-driven tulad ng Dream Dad, Oh My G!, at Wansapanataym, at ang current affairs programs tulad ng Salamat, Dok! Siyam namang locally-produced programs mula sa ABS-CBN Regional ang tumanggap ng Anak TV seal.
Ang iconic seal sa telebisyon ng Pilipinas, Anak TV, ay iginagawad sa pamamagitan ng mga magulang, guro, NGOs at iba pang sektor ng lipunan sa mga programa sa telebisyon na wholesome at makabubuti para sa kabataan. Ito ay isang seal na hindi matatagpuan saanman sa mundo, dahil ang Anak TV ay isang kilusang namamayagpag lamang sa Pilipinas.
Samantala, nanguna rin si Ted Failon sa 2nd Eastern Visayas State University Students Choice Mass Media Awards. Ang Failon Ngayon anchor sa ABS-CBN at DZMM ay nanalo bilang Best Public Service Program Host at Best Male Newscaster.
Si Atom Araullo ay kinilala naman bilang Best Field Reporter, at ang Umagang Kayganda at Matanglawin ang nanalo ng Best Morning Show at Best Educational Program award. Ang Gandang Gabi Vice (Best Comedy Show), si Vice Ganda (Best Comedian), FPJ’s Ang Probinsyano (Best Primetime TV Series Program), at Thank You For The Love (Best Christmas Station ID) ang kumumpleto sa mga panalo ng Kapamilya network.
Ayon sa ABS-CBN Integrated Corporate Communications Head na si Kane Errol Choa, ikinararangal ng buong pamilya ng ABS-CBN ang mga parangal at pagkilala sa kumpanya mula sa pagpasok ng bagong taon.
“Ang mga parangal na ito ay nagsasabi sa amin na nagagawa namin ang aming trabaho. Masaya kami na kami ay nagkaroon ng tamang pakikipag-ugnayan sa aming mga manonood, at sa mga tao. Ito ay nagbibigay sa amin ng bagay na puwede naming maipagmalaki at katuparan ng aming mga layunin na naipapahatid naming sa pamamagitan ng aming mga anchor, mga artista, mga programa, at mga proyekto, na naseserbisyuhan naming ang mga Pilipino,” sabi ni Mr. Kane Choa.
(Ador Saluta)