MAHIGPIT na tinutulan ng mga tagapamuno ng Our Lady of the Holy Rosary Parish sa Boracay Island, sa pamumuno ng Diocese of Kalibo, ang pagpapatayo ng Casino sa nabanggit na isla. Isang pastoral letter, ginawa upang kontrahin ang planong pagpapatayo ng pasugalan, ang binasa sa pagmimisa nitong nakaraang linggo sa Boracay at sa mga simbahan sa lungsod ng Malay na parte ng Isla ng Boracay.
Nilagdaan ng tatlong pari ang pastoral letter, sina Rev. Fathers Cesar Marin, J. Belandres at Cesar E. Egaray – sa pamumuno ni Kalibo Bishop Jose Corazon Talaoc. Nagsalitsalitan ang tatlong pari sa pagtutol sa casino project at pinaalalahanan ang mga tao kung ano ang maaaring gawin ng demonyo sa Boracay kapag itinuloy ang nasabing proyekto.
Kabilang na umano rito ang moral corruption sa pagitan ng mga residente at masisira rin umano ang kapayapaan sa nasabing isla. Pinagdidiinan nila na hindi kailangan ng komunidad ng pera mula sa sugal.
Maraming taon nang tumututol ang Simbahang Katoliko sa pagpapatayo ng pasugalan sa mga pangunahing tourist destination sa ating bansa, simula nang magkaroon ng problema noong panahon ng pamamahala ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Ang tunay na kailangan ng Boracay ay ang maaasahang bangka at ferry at mga dayuhang turista. Nitong Pebrero 20, ibinalita ni Caticlan Port administrator Niven M. Maquirang kay Aklan Gov. Jeoben T. Miraflores, na daan-daang pasahero ang na-stranded dahil sa kabiguan ng Caticlan – Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative sa pagkakaroon ng sapat na bangka.
Bilang tugon sa problema, hinikayat ng Boracay Foundation, Inc., sa isinagawang board meeting kamakailan, ang mga miyembro at iba pang mga investor na mag-invest ng business operations sa pagitan ng Caticlan Port at Isla ng Boracay.
Si Ariel Abraim, operator ng world class resort na Ariel’s Point, ay kasalukuyang nasa Jerusalem upang makipagpulong sa mga tourism operator at investors. Ang retiradong U.S. naval officer ay walang-sawa sa paghikayat ng mga investor sa ating bansa. (Johnny Dayang)