Handang ipagpaliban ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang nakatakdang pagreretiro sa boxing para sa posibilidad na makalahok sa Summer Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil sa Agosto 5-20.

"Kahit walang bayad, lalaban ako sa Olympic Games alang-alang sa bayan at sa ating mga kababayan. Para mabigyan na natin ang Pilipinas ng kanyang kauna-unahang gintong medalya na matagal-tagal na rin naman nating pinapangarap," pahayag ni Pacquiao, nasa kasagsagan ng kanyang pagsasanay para sa kanyang April 9 bout kontra Timothy Bradley Jr. sa MGM Grand Garden Arena, Las Vegas, Nevada.

Itinutulak ng Amateur International Boxing Association (AIBA), sa pangangasiwa ng pangulo nitong si Dr. Ching Kuo Wu ng Taiwan, ang programa na buksan ang Olympics boxing sa pro fighter na tulad ng basketball, tennis at golf.

Ayon kay Pacman, mismong si Wu ang nag-imbita sa kanya at nangako na maglalaan ng ‘wild card’ slot para sa kanyang paglahok sa quadrennial Games.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Kung walang malalabag na regulasyon or rules, for that matter, I'm in. Even to the extent of postponing my planned retirement, it's okay with me," paliwanag ni Pacquiao sa panayam ng PhilBoxing.com.

"It's a big honor to be invited to this landmark event that will give small countries like the Philippines chances of winning Olympic medals. Good for us, good for boxing. Good for sports in general."

Sa kasaysayan ng Olympics, tanging ang silver medal nina boxing legend Anthony Villanueva noong 1964 sa Tokyo at Mansueto "Onyok" Velasco noong 1996, ang pinakamataas na inabot ng Pinoy. Nakapagwagi na rin ang Pilipinas ng pitong bronze medal, tatlo rito ay nagmula rin sa boxing.

Sa Olympic boxing, mayroon lamang 10 weight categories kung ikukumpara sa 17 ng professional ranks. Kung lalaban si Pacquiao sa Rio, maaari siyang sumabak sa Light Welterweight (64 kilogram limit o 140 pounds) o sa Welterweight (69 kilogram limit o 147 pounds) division.

"It’s the International Olympic Committee's view to bring the world’s best athletes to the Olympics as reason for AIBA'S proposal. Basketball welcomed NBA players to the 1992 Barcelona Games, signalling the start of the open era in Olympic hoops. We want the best boxers to come to the Olympics. It is AIBA’s 70th birthday and we want something to change, not after four years but now,” pahayag ni Dr. Wu. (Gilbert Espeña)