Mariing pinabulaanan ng Salesians of Don Bosco (SDB) na misyonaryo ng kanilang kongregasyon ang pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga na naaresto ng mga pulis sa isang anti-drug operation sa North Cotabato nitong Lunes.
Ayon kay Fr. Chito Dimaranan, SDB, hindi Salesian priest ang nagpakilalang si “Father” John Ferolin.
Si Ferolin, na kasalukuyang nakadetine sa Midsayap Municipal Police, ay inaresto sa pag-iingat ng shabu sa Midsayap, North Cotabato.
“There is no such priest or missionary from among our remaining foreign missionaries, and no Filipino Salesian goes by that name,” ani Dimaranan, rector ng Don Bosco Technical College sa Mandaluyong.
“And no, we have no missionary outpost or work in North Cotabato. Above all, we Salesians do not work alone. We always work as a community. This is a poseur and a dangerous one at that,” dagdag pa ni Dimaranan.
Kaugnay nito, may iba pang ulat na nagpapakilala rin si Ferolin bilang pari ng Military Ordinariate of the Philippines (MOP), na personal diocese ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na pinabulaanan din ng chancery ng MOP.
Wala rin umanong pari na natukoy sa pangalang “John Ferolin” mula sa 2015 Catholic Directory of the Philippines.
(Mary Ann Santiago)