KAMAKAILAN lamang ay nagsama-sama ang mga estudyante upang tuligsain ang labis at taun-taong pagtataas ng tuition fee. Ang kilos-protestang ito ng mga mag-aaral ay hindi dapat balewalain at ipagkibit-balikat ng ating pamahalaan.
Hindi lamang ang mga magulang na nagpapaaral ng mga anak ang nagrereklamo at nabibigatan, kundi mismong estudyante na.
Tila ginagawang negosyo ang edukasyon sa ating bansa. Hindi ba’t nakakahiya? Wala na yata ang kahit na konting malasakit sa mga-aaral at ang inuuna ng mga may-ari ng paaralan ay kung papaanong aapaw ang salapi sa kanilang mga bulsa.
Ang isa pang pinoprotesta ng mga estudyante sa Korte Suprema ay ang pabigat at pasakit na Kto12 ng administrasyong Aquino. Ito diumano ang magiging legacy o pamana ni PNoy sa mga sagad na sa hirap na magulang at mag-aaral.
Ang totoo, ang programang Kto12 na ipinatutupad o ipatutupad ng umano’y “Magaling” na Secretary of Education na si Bro. Armin Luistro, ang pinakapalpak na naisip ng gobyernong ito. Ang Kto12, na gawin man nating Kto1000, ay walang mangyayari kundi magbabago ang sistema ng ating edukasyon. Maraming palpak na programa ang ating Department of Education (DepEd).
Una, napakababa ng suweldo ng mga guro na ginagawang second class professionals ng ating pamahalaan. Ito ang dahilan kung bakit ang magagaling na bata ay ayaw magsikuha ng kursong Education. Tambak ang trabaho ngunit maliit ang suweldo.
Pangatlo, ang pinakamabigat sa mga guro. Bawal ang magparusa sa mga mag-aaral. Ang isang mag-aaral, makalabit lamang ng guro kung makulit ay maghuhuramentado na ang magulang, susugurin ang mga guro na daig pa ang mga Abu Sayyaf. Kung hindi mumurahin ay isusumbong agad sa principal.
Kaya ngayon, tuwing katapusan ng taon, ang mga batang saksakan ng kukulit at mahina ang utak ang unang ipinapasa ng mga guro para mawala na sa paningin nila. Kahit na ang natutuhan lamang ng mga ito sa buong taon ay ang magkamot ng kili-kili ng may kili-kili at mangulangot. PASADO.
Kaya iyang Kto12 na iyan, kalimutan na! (Rod Salandanan)