Naniniwala si re-electionist Sen. Sergio R. Osmeña III na malabong tumanggap si Pangulong Aquino ng salaping galing sa katiwalian, pero mahilig ito sa mga baril, magagarang sasakyan at magagandang bebot.

Ito ang inihayag ni Osmeña matapos mailathala sa isang pahayagan si dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan LM Purisima sa umano’y pagtanggap ng P1 bilyon o limang porsiyento ng kabuuang kita ng First Cagayan Liesure and Resort Corporation (FCLRC) mula Enero 2011 hanggang Hunyo 2015.

Naniniwala si Osmeña na si Purisima ay malapit na kaibigan ng Pangulo.

‘’Siguradong ito ay iimbestigahan (ng Senate Blue Ribbon committee, na pinamumunuan ni re-electionist Sen. Teofisto Guingona III),’’ ani Osmeña.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Matatandaan na bagamat sinuspinde ng Office of the Ombudsman bilang PNP chief si Purisima dahil sa kasong katiwalian, kinonsulta pa rin umano siya ni Pangulong Aquino sa pumalpak na operasyon ng PNP Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao, noong Enero 25, 2015, na 44 na police commando ang napatay.

Nang tanungin kung naniniwala siyang nabiyayaan ng komisyon si Purisima mula sa naturang hotel casino, sabi ni Osmeña: ‘’We know bata ni PNoy ‘yan. We know he has been with PNoy. He has shown his usefulness by having protected PNoy when he was ambushed.’’

Bilang vice chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, tiniyak ni Osmeña na hihilingin niya na imbestigahan ang pagkubra ni Purisima ng limang porsiyento mula sa casino operations ng FCLRC. (MARIO B. CASAYURAN)