Winakasan ng University of Santo Tomas ang makasaysayang winning streak ng defending champion Adamson, sa impresibong 6-2 panalo sa UAAP Season 78 softball tournament, kamakailan sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Sinamantala ng Tigresses ang masamang hitting ng Lady Falcons upang tapusin ang naitalang record na 73-game winning run.

Ang kabiguan ang una para sa Lady Falcons sa nakalipas na anim na taon. Bago ang kabiguan, huling natikman ng Lady Falcons ang pagkatalo noong Pebrero 13, 2010 sa kamay din ng UST.

Idedeklara na sanang mercy rule ang laro matapos lumamang ng UST, 6-0, sa kalagitnaan ng fifth inning. Ngunit, nakuhang makaiskor ng Lady Falcons nang makapagtala ng isang homerun ang reigning MVP na si Queeny Sabobo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dahil sa naturang panalo ng Tigresses, magkakaroon na rin ng Final Four sa softball tournament.

Tumabla ang UST sa National University sa ikalawang puwesto sa pag-angat nila sa barahang 8-4.

Magtutuos ang Tigresses at ang Lady Bulldogs bukas upang paglabanan kung sino ang papasok na second seed at makakakuha ng huling twice-to-beat incentive sa semifinals.

Nakamit naman ng University of the Philippines ang pang-apat at huling Final Four berth sa pamamagitan ng abbreviated 8-1 panalo kontra Ateneo.

Nagtapos ang Lady Maroons na may barahang 5-7 at makakatapat ng twice-to-beat din at top seed Lady Falcons.

(Marivic Awitan)