Umaasa ang mga leader ng Kamara na agad na makabubuo ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng isang legally binding na Code of Conduct (CoC) sa South China Sea (West Philippine Sea).

Hinimok nina Albay Rep. Al Francis Bichara, chairman ng House Committee on Foreign Affairs at Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe ang 10-nation bloc na apurahin ang mga negosasyon sa pagbubuo ng Code of Conduct.

“It is for the ASEAN to do that particular task. It is everybody’s interest that free navigation in South China Sea will not be restricted,” sabi ni Bichara, kasunod ng pagkumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na namataan ang mga barko ng Chinese Coast Guard sa Quirino Atoll, malapit sa Palawan, dalawang linggo na ang nakalipas.

Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na wala nang barkong Chinese na namataan sa lugar nitong Miyerkules, kasabay ng pagbibigay-diin sa gobyerno ng China na iwasang gumawa ng mga kahalintulad na hakbangin na maaaring magpalubha sa tensiyon sa South China Sea.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iginiit din ni Batocabe, senior member ng House Committee on Foreign Affairs, ang agarang pagbuo ng mga patakaran para sa mga bansang sangkot sa agawan sa teritoryo sa South China Sea.

“If the parties can not do it on their own initiative, we can ask UN Secretary General Ban Ki-moon or a neutral nation or group, probably the EU (European Union), to call for a peace summit among all claimants with the end in view of charting the path for a peaceful resolution of dispute,” ani Batocabe.

Bilang country coordinator sa ugnayang ASEAN-China, nangakot ang Singapore na tututukan ang pagbubuo ng CoC sa South China Sea. (CHARISSA M. LUCI)