Bumaba ang kalidad ng mga atletang Pinoy sa international competition na isang indikasyon na napabayaan ang Philippine Sports sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Ito ang paninindigan ni sportsman Jericho ‘Koko’ Nograles, tagapagsalita ng Party-list Pwersa ng Bayaning Atleta (PBA), bunsod nang aniya’y kaliwa’t kanang kabiguan ng pambansang delegasyon sa iba’t ibang international tournament, higit sa Southeast Asian Games (SEAG).
Dahil sa kawalang-suporta ng gobyerno at sa umiiral na pamumulitika sa larangan ng sports, ang Pilipinas ay nawawalan ng tsansa para maging isa sa Asia’s top contenders sa mga pandaigdigang paligsahan.
Ayon kay Nograles, ang pagkakaroon ng matagumpay na mga atleta ay sumasalamin sa progresibong liderato ng pamahalaan, ngunit nakalulungkot aniya ang kasalukuyang kinalalagyan ng mga atletang Pinoy.
“The Philippines has achieved unprecedented success in many past international sporting events and has produced so many sporting legends but after the reorganization of the defunct Department of Education, Culture and Sports (DECS) that removed culture and sports administration as one of the department’s key mandate, Philippine sports has been in the doldrums ever since,” pahayag ni Nograles.
Mula nang makamit ng bansa ang overall championship sa SEA Games noong 2005, nakadidismayang napatalsik ang Pinoy sa top 3 sa nakalipas na limang edisyon ng biennial meet.
“SEAG is the lowest international competition. Pero, dito man lamang hindi tayo kabilang sa top 3, what more sa Asian and World level. Until now, wala tayong ma-produced na gold medal sa Olympics,” sambit ni Nograles.
Hindi naman nagpapabaya ang Philippine Sports Commission (PSC), ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa budget ng mga atleta, ngunit, ayon kay chairman Richie Garcia ang paghahanda at pagunlad ng mga atleta ay nasa kamay at programa ng kani-kanilang sports association na nasa pangangasiwa ng Philippine Olympic Commiittee.
Nakatutuwang isipin, ayon kay Nograles, na ang POC ay pinamumunuan ni dating Tarlac Congressman Jose ‘Peping’ Cojuangco, tiyuhin ng Pangulong Aquino.
Iginiit ni Garcia, na naglabas na ng budget ang PSC para magamit sa pagsasanay at paglahok ng mga atleta para maka-qualify sa Rio Olympics sa Agosto. (BERT DE GUZMAN)