Sa kabila ng paghihigpit ng awtoridad, ‘tila hindi maubus-ubos ang kontrabando sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, matapos makakumpiska kahapon ang prison authorities ng isang kilong shabu at ilang armas sa ika-21 pagsalakay sa pasilidad.

Sinabi ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf, Jr. na nadiskubre ang shabu sa dormitoryo na inookupa ng isang miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik gang.

Nasamsan din ng NBP raiding team, sa ika-21 pagpapatupad ng “Oplan Galugad” sa pambansang piitan, ang isang caliber .45 pistol, isang .9mm Glock pistol, at isang paltik na caliber .22 revolver.

“Nadiskubre namin ang shabu sa kisame sa labas ng dormitory sa Building 5, Quadrant 4. Ito ang pinakamalaking bulto ng ilegal na droga na nabawi sa loob ng NBP, pero hindi ko batid ang street value nito,” ani Schwarzkopf.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sinabi ng opisyal na inaalam na nila kung paano naipuslit ang droga at armas sa loob ng pasilidad at para matukoy ang mga nasa likod nito sa pamamagitan ng mga footage ng closed circuit television (CCTV).

Nitong nakaraang buwan, apat na kawani ng NBP ang sinampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa umano’y pakikipagkutsabahan sa mga preso sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa pasilidad. (Leonard D. Postrado)