HINDI kaila sa showbiz na alaga ni Direk Wenn Deramas si DJ Durano na labis ang pagkabigla nang mabalitaan ang pagkamatay ng box office director. Sa unang araw ng burol ni Direk Wenn sa Arlington Chapel, isa sa mga naunang dumating si DJ at nakunan ng pahayag sa kanyang saloobin.
“It’s very difficult because alam naman ng lahat na Direk Wenn is my mentor, actually he gave me the biggest breaks and malaking loss hindi lang sa akin. I’m lost for words, I only have kind words para sa kanya. May gagawin pa nga dapat kami na teleserye,” bungad ni DJ.
Hindi rin kaila sa industry insiders na nagkaroon ng tampuhan sina Direk Wenn at DJ, dalawang taon na ang nakakaraan.
“Hindi naman kami nakakalimot na mag-communicate. Kahit sa text lang may communication. May mga time na hindi siya sumasagot dahil busy siya,” sey niya.
Kahit pa sabihing package deal sina Direk Wenn at DJ, pinanindigan ng direktor ang paniniwala sa kakayahan ng huli kaya’t lagi siyang isinasama sa projects nito.
“’Binibilin niya ako noon pa na huwag ako pabayaan at bigyan ng trabaho, parang dapat hindi ako mababakante kasi naniniwala siya sa talento ko. Lagi niya sinasabi na pinaghirapan ko kung ano ang meron ako ngayon. Walang DJ Durano kung walang Direk Wenn,” pahayag ng aktor.
Walang pang masabing ibang mensahe sa namaalam na direktor si DJ kundi ang pasasalamat sa lahat ng nagawa nito sa kanyang buhay at career.
“Si Direk Wenn ay isang pamilya sa lahat. Wala siyang masamang tinapay. Magtatampo ‘yan pero isang lapit mo lang d’yan, kausapin mo lang ng maayos okay na ulit ‘yan. Sobra kaming naging magkaibigan, mabait si Direk. Lagi ko sinasabi na thank you sa kanya, alam n’ya ‘yun. I always say thank you sa kanya. Hindi ako makakalimot,” malungkot na pahayag ni DJ. (ADOR SALUTA)