NOONG nakaraang linggo, nabigla kami sa isang pambihirang balita. Isang diumano’y 12-anyos na lalaki ang nakasuot ng uniporme ng pulis. Kumpletung-kumpleto; may badge, baril, patches, at maging pekeng ticket para makapangotong sa isang lugar sa EDSA, malapit sa Pasay City. At talagang maraming nabibiktima ang lokong ito.
Ganito na ba kalala ang kalagayan ng ating bansa ngayon? Habang tumatagal ay pasama nang pasama? Laganap na ang child labor o iyong mga kabataang sa murang edad pa lamang ay nagtatrabaho na; marangal man o hindi, legal man o ilegal. Laganap na rin, ayon sa lumalabas na mga balita, ang mga kabataang nagbebenta ng kanilang katawan para sa panandaliang aliw.
Mayroon ding mga batang hamog, na ang trabaho ay umakyat sa mga truck na naglalaman ng mga paninda o iba pang bagay at ninanakaw ng mga ito. Mga batang magdamag na sumisinghot ng rugby at pagsapit ng liwanag ay hahanap ng bibiktimahin at dudukutan o manghahablot ng mga alahas na suot ng mga dumadaan.
Saan na ba patungo ang ating bansa? Saan na ba papunta ang ating panahon? At bakit patuloy ang pagsama ng tao, maging ng mga kabataan?
Ang pangunahing sanhi nito ay kahirapan. Ayon sa survey, milyun-milyong Pinoy ang halos hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw. Ang karamihan sa mga yagit na ito ay nagtitiis na kumain ng mga tirang pagkain sa mga basurahan. Milyun-milyon din umano ang walang mapasukang trabaho, samantalang ipinangangalandakan ng ating gobyerno na maraming nakaunga-ong na trabaho sa bansa.
Nagdarahop ang milyun-milyong Pinoy samantalang ang iba ay nagpapakasasa dahil sa kurapsiyon. Alin bang sangay ng gobyerno ang walang kurapsiyon? Wala!
Iyan din ang dahilan ng pagdami ng mga nagsisigamit at nagsisipagtulak ng mga ipinagbabawal na gamot, na siya namang dahilan ng katakut-takot na krimen.
Panahon ngayon ng pulitika, at pagkakataon natin para makapili ng mga tamang pinuno sa ating pamahalaan. Piliin natin ang may tapang ngunit may puso at huwag iyong may tapang sa pangungurakot at puro pangako.
Bigyan natin ng bagong direksiyon at pag-asa ang ating mga kabataan. (ROD SALANDANAN)