SA paglalatag ng kani-kanilang plataporma, ang mga kandidato ay mistulang nagpapaligsahan sa pag-awit—magkakahawig ang tono subalit magkakaiba ang liriko o kaya’y lengguwahe na binibigkas. Ngunit ang lahat ng ito ay nakalundo sa mga pangako na walang katiyakan kung maisasakatuparan; mga pangako na walang humpay na inilalahad ng mga sumasabak sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, senador, at iba pa.

Magkakahawig ang kanilang paninindigan sa pagpapaunlad ng agrikultura, halimbawa, sapagkat ang larangang ito ang magpapaangat sa kabuhayan ng mga mamamayan. Ewan ko kung sila ay may tuwirang karanasan sa pagsasaka, kung alam nila kung ano ang araro, suyod at paragos na ginagamit sa pagbubukal ng bukirin; kung sila ay nakalusong na sa linang bago itanim ang mga punlang palay; at kung sila ay bihasa sa iba pang pamamaraan ng pagsasaka. Kung sila ay walang kamuwangan sa agrikultura, wala silang karapatang maniguro na matatamo ang sapat na ani o rice-sufficiency, tulad ng ipinangangalandakan ng kasalukuyang administrasyon; na ang bansa ay magiging isang rice-exporting country mula sa pagiging rice-importing country. Isa itong malaking kabiguan. Mabuti pa noong rehimeng Marcos at ang bansa, sa kauna-unahang pagkakataon, ay naging isang rice-exporting country sa pamamagitan ng programang Masagana 99 at Margate system.

Sa isang iglap, nais nilang lipulin ang talamak na katiwalian na gumigiyagis sa gobyerno at sa lipunan. Ang naturang salot na kasingtanda na ng panahon ay lumason hindi lamang sa nakalipas, kundi maging sa kasalukuyang administrasyon. Katunayan, hindi iilan ang nasasangkot sa mga alingasngas na naging dahilan ng kanilang pagkakatalsik at pagkakakulong. Ang salot na ito ay lalong nagiging talamak lalo pa nga at hindi man lamang pinangatawanan ng administrasyon ang pagpapatibay ng Freedom of Information (FOI) bill.

Walang isa mang kandidato ang hindi naghahangad ng pangmatagalang katahimikan sa Mindanao at sa iba pang sulok ng kapuluan. Hanggang ngayon, walang patumangga ang labanan at patayan ng mga kapwa Pilipino sa kabila ng mga isinagawang peace talks na walang narating.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang naturang mga plataporma, at marami pang iba, ay maliwanag na produkto lamang ng imahinasyon. (CELO LAGMAY)