BUKOD sa mapagpatawad, madali ring makalimot ang mga Pinoy. Matiisin at mapagpasensiya na malimit ikumpara sa katangian ng kalabaw na kasa-kasama sa pag-aararo ng mga magsasaka. Isa pang katangian ng mga Pilipino ay ang pagiging “pliant” o madaling mapasunod, tulad ng kawayan na napapayuko sa hagupit ng hangin subalit muling tumatayo pagkatapos ng unos. Kelan kaya mapapatawad ng ating mga kababayan ang mga pagkakasala ni Apo Macoy noong martial law?

***

Binastos umano ni Madonna ang bandila ng Pilipinas nang gamitin niya ito at ginawang balabal at itinaas ang kulay pulang bahagi (tanda ng pakikidigma) hanggang sa sumayad ang laylayan sa sahig noong siya ay magdaos ng kanyang concert sa Mall of Asia Arena, kamakailan.

Dahil dito, nakatanggap siya ng pagmumura mula sa netizens, na katumbas ng pu***g i** na paboritong sabihin ni Mayor Rodrigo Duterte. Komento nga ni Archbishop emeritus Oscar Cruz: “Hayaan na ninyo siya (Madonna), matanda na ‘yan.”

Ano ang ibig mong sabihin Monsignor Cruz? Si Madonna ay 57-anyos na at “nagmumurang-kamyas” yata. Aha, menopausal na pala!

***

Suportado ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang tambalang Poe-Chiz sa halalan sa Mayo 9. Ang NPC ang pangalawa sa pinakamalaking partido kasunod ng Liberal Party (LP). Ito ay itinatag ni ex-Ambassador “Danding” Cojuangco, na sumuporta kay PNoy noong 2010. Ang paghahayag ng suporta ay ginawa nina NPC President at Isabela Rep. Giorgidi Aggabao, kasama sina Batangas Rep. Mark Llandro Mendoza at Quezon Rep. Mark Enverga, NPC Secretary-General at spokesman. Ipinaliwanag ni Aggabao na suportado nila sina Sen. Grace at Sen. Chiz dahil ang “their platform is anchored on inclusivity and the candidates clear intention to build farther on gains than simply accept the status quo of a signal return to old practices.”

Samakatuwid, hindi sila daraan sa “Tuwid na Daan” nina PNoy at Mar Roxas?

***

Mahigit isang taon na sapul nang magpa-renew ako ng lumang sasakyan. Binayaran ko na ang bagong plaka, stickers, computer fees, etc, pero hanggang ngayon ay wala pa rin ang aking plaka. (BERT DE GUZMAN)