BUMUBUWELO na ang marami dahil papalapit na ang simula ng araw ng pangangampanya para sa mga kandidato na puntirya ang lokal na posisyon.
Habang gitgitan ang labanan sa national position, lalo na sa pagkapangulo, hindi rin mapakali ang mga local candidate dahil hindi nila matukoy kung saan sila pupuwesto o kakampi na partido.
Sa ngayon, tanging ang mga kandidato sa pagkapangulo, bise presidente at senador lang ang dama natin na nag-iikot at nanliligaw sa mga botante.
Pangako dito, pangako roon. Mas matamis pa sa dila ni Valentino kung manuyo; ipinangangako ang langit at lupa.
Subalit nakatiyempo na ba kayo ng isang political rally?
Mala-piyesta ang kapaligiran, nagkalat ang mga tagasuporta, dagsa pati mga vendor. Ganyan talaga ang buhay, dahil lahat ginagamit ang oportunidad para sa kanya-kanyang interes.
Lahat gustong makita ng mga kandidato, lahat gustong kumita kahit konting salapi mula sa okasyon.
Sa kabilang panig, mayroon namang mga napeperhuwisyo.
Kapag paparating na ang mga hinayupak na kandidato, nagiging kaugalian na ang pagsasara ng ilang kalye. Andyan ang pagtatayuan ng entablado, andyan ang mga “ugnayan sa barangay” na naglalabas ng mga upuan at mesa at sa kalsada ginaganap ang talakayan.
Dagdag problema rin ang magarbong motorcade na nag-iikot upang makaagaw-pansin sa mga residente, todo-lakas ang volume ng mga public address system na may kasama pang nakaririnding tugtog ng “Rico Mambo”!
Dahil dito, nagkakabuhul-buhol ang daloy ng mga sasakyan. Bugbog na nga sa trapik sa EDSA, bugbog pa sa trapik sa mga probinsiya.
Talo pa ng mga pumopormang “escort” na sakay sa motorsiklo ang Presidential Security Group kung humarang sa mga dumaraang sasakyan upang bigyang daan ang mga kandidatong naglatag ng balde-baldeng pera para magmukha silang artista sa pagbisita nila sa komunidad.
Kandidato pa lang ay abusado na! Sino’ng niloloko n’yo?
Dahil sa media, tradisyunal man o social networking site, mas madali nang makilala ang mga hinayupak na kandidato na walang ginawa kung hindi magsinungaling at manlinlang upang maluklok lamang sa puwesto.
Hala. sige! Magpamudmod pa kayo ng tone-toneladang salapi.
‘Ika nga ng ilang kandidato: Tanggapin ang pera subalit iboto ang nasa puso!
Ang hindi maintindihan ni Boy Commute ay kung bakit kailangang mamerhuwisyo pa ang mga kandidato sa tuwing sila ay mangangampanya sa isang lugar.
Ganito lang ang pananaw ni Boy Commute. Mayroong kandidato na sadyang nilalapitan ng tao at hindi na kailangang maging K.S.P. (kulang sa pansin). Mayroon din sadyang nilalangaw maski saan mapadpad.
Alin ka ba rito? (ARIS R. ILAGAN)