Ang National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) ang inatasan ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng Random Manual Audit (RMA) para sa eleksiyon sa Mayo 9.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Comelec Chairman Andres Bautista na binigyan nila ng akreditasyon ang Namfrel upang maging citizen’s arm ng poll body para sa pagsasagawa ng RMA.

Alinsunod sa batas, kinakailangang magsagawa ng RMA upang masuri ang accuracy sa pagbilang ng boto ng mga makinang gagamitin sa eleksiyon.

Sa ilalim nito, isasailalim sa audit ang resulta ng automated counting sa pamamagitan ng pagkukumpara nito sa manual counting.

Eleksyon

Kaya raw natalo: Mga nanira kay Bong Revilla sa social media, lagot!

Nagpasya naman ang Comelec na dagdagan ang clustered precinct na sasakupin ng RMA.

Sa halip na 234 na clustered precinct na sinakop nito noong nakalipas na eleksiyon, ginawa itong 715 ng Comelec.

Una nang sinabi ni Bautista na bagamat sa ilalim ng batas ay maaaring one-precinct-per-legislative district lang ang sasakupin ng RMA, nais niyang dagdagan pa ito.

Noong 2013 midterm elections, ipinagmalaki ng RMA Committee (RMAC) na nasa 99.97 porsiyento ang accuracy rate ng ginamit na precinct count optical scan (PCOS) machine. (Mary Ann Santiago)