CARMONA, Cavite – Nasa 30 katao, kabilang ang isang buntis, ang naospital kahapon matapos na sumingaw ang ammonia gas mula sa condenser ng isang planta ng yelo sa Golden Mile Industrial Complex sa Barangay Maduya, sa munisipalidad na ito.
Ayon kay Rommel De Leon Peneyra, ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang mga biktima ay mga empleyado ng Polytrade Ice Plant at ang dalawa pa ay mula sa kalapit na kumpanya, na isinugod sa Pagamutang Bayan ng Carmona at sa iba pang ospital sa munisipalidad.
Ang mga biktima, na nahirapang huminga at nahilo sa mabahong amoy ng kemikal, ay pawang maayos na ang kondisyon at nakalabas na rin sa mga ospital, ayon kay Peneyra.
Ayon kay Carmona Municipal Fire Marshall Senior Insp. Rosalinda Tocmo Sta. Ana, nangyari ang gas leak dakong 6:00 ng umaga kahapon.
Sinabi ni Sta. Ana, nagsilbing ground commander, na idineklara nang ligtas ang leak area bandang tanghali kahapon, kasabay ng pagsuspinde sa trabaho sa planta.
Sinimulan na ang imbestigasyon sa insidente.
“We are going to meet this afternoon (Miyerkules) as to what action would be taken against the plant in connection with the incident,” ani Peneyra. (ANTHONY GIRON)