SA nakalipas na limang taon simula noong 2010, mahigit 270,000 Syrian ang napatay sa giyerang sibil sa pagitan ng puwersa ng gobyerno ni President Bashar Assad at ng mahigit 100 grupo ng mga rebelde at terorista. Naging mas kumplikado pa ang problema sa pagsuporta ng Russia kay Assad, habang inaayudahan naman ng United States, Saudi Arabia, at iba pang estadong Arabo ang mga nag-aaklas. Nariyan pa ang mga grupong jihadist, partikular na ang Islamic State o Daesh, at ang Nusra Front o Jabhat al Nusra, na inaalalayan naman ng isa pang puwersang jihadist, ang al-Qaeda.
Nitong Lunes, Pebrero 22, nagawang magkasundo ng Amerika at Russia, kasama ang karamihan sa mga nakikipaglabang puwersa at mga dayuhang tagasuporta, para sa isang tigil-putukan. Agad na inaprubahan ng United Nations Security Council ang isang resolusyon na nag-eendorso sa ceasefire. Naging epektibo ito noong Sabado, Pebrero 27.
Sa pamamagitan ng tigil-putukan, maaari nang ituloy ang usapang pangkapayapaan sa Lunes, Marso 7, sa Geneva, Switzerland. Nagkaroon na ng mga usapang pangkapayapaan noong Enero, ngunit hindi nagawang magkompromiso ng mga negosyador sa napakaraming isyu, nabigo ang pag-uusap, at nagpatuloy ang mga paglalaban. Dahil napakarami na ng nasawi sa magkabilang panig simula nang sumiklab ang pagpapatuloy ng paglalaban, inaasahang mas magiging bukas sa kompromiso sa Geneva ang mga negosyador na Syrian sa pagkakataong ito.
Gayunman, napipigilan ang pag-asam sa kapayapaan sa katotohanang hindi saklaw ng umiiral na tigil-putukan ang mga terorista, partikular na ang Islamic State na aktibo ngayong kumikilos sa Iraq sa Middle East at sa Libya sa North Africa, at napaulat na nagtatatag na ng mga sangay nito sa Timog-Silangang Asya.
May isa pang kumplikasyon—ang Kurds, isang bansang walang sariling estado, na matagal nang nakatira sa mga lugar na inaangkin nila bilang kanilang bayan sa Syria, Iraq, at Turkey. May sariling grupo ng mga mandirigma ang Kurds at kasalukuyang nakikipagdigma ang mga ito sa Islamic State. Hindi pa batid kung saklaw sila ng usapang pangkapayapaan na isasagawa sa Geneva ngayong Marso.
Samantala, nagpapatuloy ang paglikas patungo sa mga bansa sa Europe. Libu-libong Syrian, kasama ang mga Afghan at Iraqi, ang stranded ngayon sa Greece matapos magdesisyon ang mga estadong Balkan ng Macedonia, Slovenia, Croatia, at Serbia na limitahan ang bilang ng mga migranteng palulusutin sa kani-kanilang teritoryo patungo sa Western Europe.
Mahigit 20,000 refugee at iba pang migrante ang nasa Greece ngayon, hindi magawang lumikas patungo sa Germany, France, Belgium, at sa iba pang mga estado na roon inaasahang makasusumpong sila ng mga bagong tahanan.
Ang tigil-putukan at ang idaraos na usapang pangkapayapaan sa Geneva ang pinakamalalaking pag-asa para sa kapayapaan—para sa nag-aaway na paksiyon sa Syria at kani-kanilang mga tagasuporta mula sa iba’t ibang panig ng mundo, at higit sa lahat, para sa mamamayang Syrian na matapos na sana ang matagal nang pagdurusa at ang mapanganib na paglalakbay patungo sa ibang bansa, na hinding-hindi nila gagawin kung may kapayapaan lang sana sa kanilang bayan.