Matapos mapatunayang nagkasala sa kasong graft at malversation of public funds, tuluyan nang sinibak ng Supreme Court (SC) at tinanggal sa talaan ng mga abogado ang isang huwes ng Makati City Regional Trial Court (RTC).
Kasabay nito, iniutos din ng korte ang pagbawi sa lahat ng benepisyo ni Judge Cedrick Ruiz, ng Makati RTC Branch 62,
Si Ruiz ay napatunayang nagkasala sa mga kasong graft at malversation of funds sa Sandiganbayan, at pinatawan din ng perpetual disqualification sa paghawak ng posisyon sa ano mang pampublikong tanggapan.
Si Ruiz ay naging alkalde ng Dapitan City, na roon nag-ugat ang mga kaso at nahatulan siyang guilty sa pakikipagsabwatan kay Police Inspector Pepe Nortal para mag-withdraw ng P1 milyon mula sa intelligence fund na ginamit lang sa personal na interes.
Pero nang mahatulan ng Sandiganbayan ay iniapela ni Ruiz ang kaso sa Korte Suprema subalit kalaunan ay ibinasura naman ito.
Giit ng hukuman, ang sinumang opisyal ng korte ay dapat magpakita ng integridad, moralidad at iba pang kabutihang asal, hindi lamang sa kanyang sala, kundi sa lahat ng pagkakataon. (Beth Camia)