ANG kalagayan ng bansa at ng daigdig ngayon ay ibang-iba sa hinarap ni Pangulong Noynoy Aquino nang manalo siya sa halalan noong 2010.
Sa aking pananaw, limang bagay ang kailangang harapin ng susunod na pangulo: kapayapaan, problema sa ilegal na droga, secessionist movement ng mga Muslim, komunismo, at usapin laban sa China.
Una sa listahan ang dalawang rebolusyon laban sa pamahalaan. Dahil sa kabiguang maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law at ang pagtigil ng pakikipag-usap sa mga komunistang rebelde, kailangang magsimulang muli ang bagong administrasyon.
Kailangan ang malawak na proseso sa kapayapaan sa Mindanao, na kasangkot ang mga Muslim, mga Lumad, mga Kristiyano at iba pang armadong grupo.
Ibig kong bigyang-diin na sa kabila ng solusyong pulitika, kailangang bigyang prioridad ang papel ng negosyo at pamumuhunan upang magkaroon ng kapayapaan at mabawasan ang kahirapan sa Mindanao. Hindi maaaring ihiwalay ang kapayapaan sa isyu ng pagpapaunlad sa kabuhayan.
Ang susunod na pangulo ay siya ring commander-in-chief at pangunahing diplomatiko na kailangang harapin ang China. Mahalaga ito hindi lamang sa punto ng foreign policy at pagtatanggol sa bansa kundi para sa katatagan ng kalakalang rehiyonal.
Pangatlo, namamalagi ang problema sa peace and order. Sa kabila ng ulat ng pulisya na bumaba ang bilang ng krimen, hindi pa rin nakakaramdam ng kapayapaan ang mamamayan sa kanilang komunidad.
Panghuli, kailangan ang seryosong plano upang masugpo ang problema sa ilegal na droga. Ito ay salot na pumipinsala sa ating lipunan. May mga hindi kumpirmadong ulat na ginagamit na rin ang salapi mula sa ilegal na droga sa eleksiyon.
Isang prioridad na kailangan sa pagharap sa limang hamon na aking nabanggit ay ang pagpapalakas sa ating sandatahang lakas at pulisya.
Ang limang isyung ito ay dagdag lang sa maraming suliranin na haharapin ng bagong administrasyon. Dahil dito, kailangan ng bagong pangulo ang isa pang katangian: kakayahang pumili ng mahuhusay na katuwang, mga taong may sapat na kakayahan at karunungan ang kailangan upang matulungan ang pangulo sa paglutas sa mga suliranin ng bansa.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)