MAY ilang linggo na nang pumanaw si Ambassador Roy Señeres, isa sa pinakamatino, makabayan, at makataong kandidato sa pagkapangulo ng bansa. Nakapanghihinayang!

Kasabay ng pagkamatay ni Señeres ang pagkamatay ng kakapurit na pag-asa ng mga abang manggagawa sa mall, restaurant, supermarket at mga hotel sa buong bansa, partikular na sa Metro Manila. Hindi na sila makakalas mula sa pagkatali sa KONTRAKTUWALISASYON.

Malagim at matindi ito. Ngayon lamang ito nauso at naipatupad na kung ituring ay hayop na patakaran. Karamihan sa mga kabataang walang mapasukang matinong trabaho ay kumakagat na lamang sa mga food chain, supermarket, mall at kung anu-ano pa na parang mga kasambahay ngunit pagkaraan ng lima o anim na buwan ay tatanggalin na para hindi maging permanente.

Nakasusukang paraan ng mga hayok sa pagpapayamang kapitalista sa kaapihan ng mga kabataang manggagawa na ang hangad lamang ay kumita para sa kanilang sarili at sa pamilya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa ilalim ng kontraktuwalisasyon, walang matatanggap na benepisyo ang mga abang manggagawa. Walang bonus sapagkat limang buwan o anim na buwan lamang sila sa trabaho at tatanggalin na. Walang security of tenure, walang SSS, at iba pa. Basta anim o limang buwan ka lamang na magtatrabaho ay goodbye na!

Bakit ba nauso ito at pinapayagan ng mga opisyal ng gobyerno? Bakit hindi ipinagbabawal ito samantalang malinaw na ito ay illegal at labag sa batas? Ano ang ginagawa ng Department of Labor? Ano ang ginagawa ng mga kinatawan at senador? Ano ang ginagawa ng “Tuwid na Daan” ni PNoy?

Sa pagkandidato pa lamang ng ating mga opisyal ay malaki na ang utang na loob ng mga ito sa mga negosyante. Malaking ambag para magamit sa pangangampanya, pagpapagamit sa mga private plane para maalwang makapupunta ito sa pook na pangangampanyahan na kung papalarin ay aalisin niya ang KONTRAKTUWALISASYON! Sayang! (ROD SALANDANAN)