LeBron James, Paul George, Myles Turner

Celts, Wizards, tumibay sa EC playoff; LeBron humataw.

CLEVELAND — Balik sa dominanteng porma si LeBron James sa 33 puntos, isang araw matapos humingi ng day off, para pangunahan ang Cavaliers sa 100-96, panalo kontra Indiana Pacers nitong Lunes ng gabi (Martes sa Manila).

Pinagpahinga ni coach Tyronn Lue si James nitong Linggo sa laro laban sa Washington kung saan natikman ng Cavs ang nakahihiyang 99-113 kabiguan, dahilan para sitahin ni JR Smith ang naging desisyon at ang kawalan ng ganang maglaro ng kanyang teammates.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa pagbabalik ni James, balik ang sigla ng Cavs at ang porma ng isang lehitimong NBA title contender.

Naisalpak ni Matthew Dellavedova ang 3-pointer para ibigay ang 96-94 bentahe sa Cavs, may 1:13 ang nalalabi sa laro.

Napigilan naman ni Tristan Thompson ang tira ni George Hill para maprotektahan ang bentahe ng Cleveland sa huling 18 segundo.

CELTS 100, JAZZ 95

Sa Boston, hataw si Jae Crowder sa nahugot na 22 puntos, habang tumipa si Isaiah Thomas ng 18 puntos at 9 na assist para gapiin ang Utah Jazz at hilahin ang home winning streak ng Boston sa 11.

Ratsada sa Jazz si Trey Lyles na humirit ng double-double -- 18 puntos at 10 rebound – at kumubra sina Shelvin Mack at Gordon Hayward ng 17 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

WIZARDS 116, SIXERS 108

Sa Washington, nakubra ng Wizards, sa pangunguna ni John Wall na kumana ng 37 puntos, ang ikalawang sunod na panalo nang pataubin ang Philadelphia 76ers.

Hataw din si Marcin Gortat sa 18 puntos at career-high 20 rebound, para sundan ang malaking panalo laban sa Cavaliers nitong Linggo at patatagin ang kampanya na makahirit sa playoff ng Eastern Conference.

Kumubra si Markieff Morris ng 16 na puntos at 13 rebound para sa kanyang kauna-unahang double-double bilang Wizard.

BUCKS 128, ROCKETS 121

Sa Milwaukee, naitala ni Giannis Antetokounmpo ang ikalawang career triple-double sa iskor na 18 na puntos, 17 rebound at 11 assist, sa panalo ng Bucks sa Houston Rockets.

Nailista naman ni Jabari Parker ang career-high 36 na puntos sa Milwaukee, habang humugot si Khris Middleton ng 30 puntos.

Hataw si Dwight Howard sa nakopong 30 puntos at 13 rebound para sa Houston, habang tumipa si Ariza ng 20 puntos at 11 assist.