KUWENTO ng komedyanteng si Atak Arana nang interbyuhin sa Tonight With Boy Abunda, siya ang kasama ni Direk Wenn Deramas bago binawian ng buhay ang box office director noong madaling araw ng Pebrero 29 sa Capitol Medical Center.

Tuwing Linggo ay magkasama sina Atak, Direk Wenn at iba pang mga kaibigan nila sa pagsisimba, pagbili ng collections, meryenda, panonood ng sine at dinner.

“Every Sunday po ‘yun pag wala kaming work at parating ipinapaalala sa aming mga friends niya na huwag ipagpalit ang Sunday, dapat ibigay ang isang araw kay Lord kahit ano pang busy natin, unahin natin.

“Kaya kung may raket ako sa out of town, I’ll see to it na makadaan ako ng church, kasi nasa isip ko lagi na unahin si Lord,” kuwento ni Atak kay Kuya Boy Abunda.

Relasyon at Hiwalayan

Julia sa pagmamahal ni Marjorie kay Gerald: 'I really appreciate it!

Ito ang nakagawian na ni Direk Wenn tuwing Linggo sa loob ng 11 years, at si Atak naman ay 5 years nang nakakasama ng kaibigang direktor. Kaya nitong nakaraang Linggo ng gabi, sila ang magkasama.

“While having dinner, tumawag ‘yung asawa ng driver niya na kailangang itakbo sa hospital si Ate Wawa (nakatatandang kapatid ni Direk Wenn) dahil hindi makahinga, ‘tapos sabi niya, sige dalhin n’yo.

“’Tapos ikaw Rico (driver), punta ka na rin sa hospital, ‘tapos pagdating sa hospital ni Rico, nagbibigay sa kanya (Direk Wenn) ng informations habang nagdi-dinner kami ‘tapos may mga dessert pa, so matagal-tagal pa kami.

“So ang report, nire-revive si Ate Wawa, so hindi naniwala si Direk Wenn kasi hindi lang makahinga, revive na kaagad, kaya tanong niya, ‘alam mo ba ang revive? Ano ‘yan, kapag namatay ka na, nire-revive ‘yan, para mabuhay ka, ‘yun ang revive. Ano ba talaga ang totoo?’ ‘Yun, tumaas na ang boses niya, ‘tapos sabi (ni Rico), ‘sandali lang direk, ha, tanungin ko ulit ‘yung doktor’. ‘Tapos sabi, ‘Direk, okay na pala.’ So tawanan na naman kami, sabi pa niya, ‘ito talagang si Rico, iba-iba ang report.’

“Pero maski na nagkakatawanan, parang bothered pa rin siya na kailangan pa rin niyang pumunta ng hospital. So, ngayong tapos na kami, ‘Hatid mo itong kaibigan natin sa Mandaluyong at sumunod ka sa hospital. So, sinundan ko siya sa hospital at pagdating ko roon, totoo naman palang nire-revive at naka-three revive na si Ate Wawa, ‘tapos nag-joke pa rin siya (Direk Wenn), ‘hayan, si Ate Wawa, pangatlong revive na.

“Puwede, Atak pumasok ka sa ER, kapag nakita ang mukha mo, malamang tatayo ‘yun kasi hindi raw tumatayo. ‘Tapos sinilip namin, ganu’n na lang, makikita mo na, bumibigay na ang katawan. ‘Tapos apat na revive, panglimang revive, tinanong namin (ang doktor) kung ano’ng totoo, ‘tapos sabi ng doktor, hindi na nagpa-function ang brain, ang heart, ang nagpapatibok na lang ng heart niya ay ‘yung mga gamot at apparatus o machine.

“So, decide na ang mga kapatid na dalawa na wala na talaga. Nu’ng wala na, pinasok ni Direk Wenn, doon kasi gusto ni Ate sa Amerika na makita ang picture, ‘tapos pinityuran niya (Direk Wenn), send niya sa Viber. Pero paglabas niya habang kausap ‘yung sister niya, hagulgol siyang sobra.

“So, sinalubong namin siya, pagsalubong namin sa kanya, bumibigay na siya. Alam mo ‘yung nginig niya ‘tapos pababa na siya, agad inaawat namin na, ‘Direk, kaya mo ‘to, nandito lang kami’.

“May upuan sa harapan, pinaupo namin, pagkaupo, ang bilis, Tito Boy, sabi niya, ‘hindi ako makahinga’ tapos nu’ng sinabi niya ‘yun, ‘yung hawak niya sa akin na natakot na parang sinabing, ‘huwag mo akong iwan’ kaya nandiyan lang ako ‘tapos nilagay niya ‘yung ulo niya (sa balikat), ‘tapos feeling ko, comatose siya kaya tumawag kaagad ako ng doktor.

“’Tapos hanggang sa nakailang revive, revive between 25 to 30, nagpalakpakan kasi may heartbeat, akala namin okay na, ang saya na. After 15 minutes, mabilis ang pangyayari hanggang sa naka-60 plus revive hanggang zero hindi na naantay si Tita June (Rufino, manager), si Tita Cory (Vidanes) na mag-decide kasi ‘yung kapatid sa Amerika mabilis mag-decide ng kung nahirapan naman, tanggapin na natin.

“Kami namang mga friend na tatlo, si Alvin at si Dennis, mga ka-batch niya nu’ng college sa UST, nagsabi na, ‘baka may chance pa, gawin n’yo ang lahat’ kasi doon kami sa miracle, eh. Nagpi-pray kami ng miracle, pero after 2 hours, “Lord, kung anong will mo, basta huwag lang mahirapan si direk Wenn.’ Wala sa mukha niya na nasaktan siya o maysakit siya,” mahabang kuwento ni Atak.

Si Direk Wenn ang sumasagot sa lahat ng gastusin ni Atak kapag nagpapa-check-up siya ng sakit niya at ito rin ang nagpayo sa komedyante na huminto na sa pagiging stand-up comedian para makapag-concentrate sa showbiz.

“Sabi niya dapat daw may focus ako tulad nina Ms. Ai Ai (de las Alas), Karla Estrada at Vice Ganda na umangat din sa movie at TV. Sobrang mabuting kaibigan, at ina sa dalawang anak niya at napatunayan ko ‘yun, Tito Boy. Alam mo ‘yung isa siyang tatay na-a-accept ka niya sa mga kasalanang nagawa mo. Sabi nga niya, kaya nga may word na second chance,” kuwento ni Atak.

At ang memories ni Atak kay Direk Wenn ay kapag nagdya-jogging sila sa village nila na kahit galing hospital ang direktor ay nagagawang mag-swimming at maglakad sa matatas kumpara sa kanya na mabagal.

“Sabi niya, ‘kaya hindi ka nakakaalis diyan (pwesto) kasi hindi balance ang tiyan mo humpy-dumpy ka, kaya gagawan kita ng movie na ganyan. Kaya ibinulong ko sa kanya na, ‘Direk, kahit na hindi mo matupad ‘yung pangako mo sa akin, mabuhay ka lang kasi ang daming umaasa sa ‘yo, ang daming taong tinulungan mo, hindi lang ako, tuwang-tuwa na po ako, Direk na ginawa mo akong artista, proud na proud ang pamilya ko sa probinsiya namin.”

Na-realize ni Atak na wala na talaga si Direk Wenn, “Nu’ng pumasok ako na nakita ko, nagalit nga ako… hindi pa nga dumating sina Tita June at Tita Cory, kasi gusto ni Direk Allan na silang dalawa ang may authority, antay lang kami kung anong desisyon, eh, tinanggalan na nila ng (oxygen) sa ilong, so nakita ko may dugo at saka fresh ang luha ni Direk, konti lang bukas, sabi ko, may chance pa sana, eh, kaso violet na siya, matigas na, so wala na rin.”

At ang huling paalam ni Atak sa taong nagpabago sa kanyang buhay.

“Direk, maraming salamat sa tulong mo sa akin, sa lahat ng ginawa mo sa buhay ko, malaking bagay ang naitulong ko sa pamilya ko kasi binago mo ang buhay ko, (dati) akong nagsusugal at iba pang hindi magandang gawain, isa kang mabuting kaibigan at tatay sa akin, nanay kita, lahat direk hindi ka nagkulang sa akin sa pagpapa-alala sa mga bagay-bagay. Ipinagtatanggol mo ako kung dapat at tinuruan mo akong lumaban sa buhay, maraming-maraming salamat Direk, I love you.”

Dito na malungkot na nagpaalam din ang King of Talk sa pagkawala ni Direk Wenn, ang dahilan ng pagluluksa ngayon sa apat na sulok ng showbiz.