Tatangkain ng Arellano University na duplikahin ang naitalang panalo habang sisikapin ng dating kampeong University of Perpetual na maibalik ang dominasyon sa pagdaraos ng 91st NCAA cheerleading competition sa Marso 8, sa MOA Arena sa Pasay City.
Matapos ang dalawang sunod na runner-up, nakuha ng Chief Squad ang kampeonato sa nakalipas na taon.
Ngunit, hindi ito naging madali para sa Arellano dahil naging mahigpit ang kanilang labanan ng Perpes na gahibla lamang ang kanilang naging kalamangan, 405.5 laban sa 404.5.
Kaya naman sa pagkakataong ito, sisikapin nilang makapagtala nang mas kumbinsidong panalo.
“We’ve prepared for the whole year and we hope to successfully defend our title,” pahayag ni Arellano coach at trainer Lucky San Juan.
Kung sakali, ito ang ikaapat na titulo ng Arellano ngayong season matapos magkampeon sa men’s chess, football, at track and field.
Ngunit, tiyak na muli silang makararanas ng matinding hamon mula sa Perpetual na siyang ‘winningest team’ sa liga sa taglay nitong walong titulo. (Marivic Awitan)