Muling magsasagawa ngayong Martes ng transport caravan ang mga kasapi ng No To Jeepney Phase-out Coalition upang igiit sa gobyerno na itigil ang implementasyon sa planong magbabawal na makabiyahe ang mga lumang jeep ngayong 2016.

Ayon kay Anselmo Perweg, tagapagsalita ng alyansa, maglalaho ang 99 na porsiyento ng Public Utility Jeepneys (PUJs) sa buong bansa, na malaking banta sa pagkawala ng kabuhayan ng mahigit 600,000 driver at 250,000 operator.

Dakong 8:00 ng umaga ngayong Martes magsisimula ang transport caravan mula sa Quezon City Memorial Circle patungo sa tanggapan ng Department of Transportation and Communications (DoTC) sa Columbia Tower, Ortigas Avenue, Mandaluyong City.

Ayon kay George San Mateo, presidente ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), mahigpit na susubaybayan ng mga driver at operator ang ano mang tangkang pagpigil sa pagrerehistro at prangkisa ng mga lumang jeepney sa bansa.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Nais ng mga driver at operator ang garantiya mula sa DoTC na tuluyang ibabasura ng ahensiya ang PUJ phase-out program nito.

Samantala, dapat nang asahan ng publiko, partikular ng mga motorista, na magkakaroon ng matinding traffic sa daraanan ng caravan. (Bella Gamotea)