Ginapi ng Far Eastern University ang De La Salle, 22-25, 25-20, 25-23, 25-19, kahapon sa pagtatapos ng first round elimination ng UAAP Season 78 men’s volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nagtala ng 15 hit at apat na block si Greg Dolor upang pangunahan ang Tamaraws sa ikalimang panalo sa pitong laro at makisosyo sa National University sa ikalawang puwesto sa standings.
Nagdagdag naman ng 15 puntos si Joshua Barrica para sa FEU, habang nanguna sa Green Spikers si Raymark Woo na may 17 puntos. Laglag ang La Salle sa 1-6 marka.
Tuluyan namang inilaglag ng University of the Philippines ang University of the East, 21-25, 27-15, 19-25, 25-29, 12-15.
Nagsalansan ng 23 puntos si Alfred Balbuena habang nagdagdag ng 19 puntos si Wendell Miguel para pangunahan ang Maroons sa pagtatapos na ikaapat na puwesto hawak ang barahang 4-3.
Nanatili namang bokya ang Warriors sa pitong laro.
Sa women’s division, nakisosyo ang University of the Philippines sa ikaapat na puwesto matapos daigin ang University of Santo Tomas, 25-19, 25-18, 16-25, 32-30.
Nakabawi ang Lady Maroons mula sa masaklap na kabiguan sa Far Eastern University (4-3) para makasama sa ikaapat na puwesto ng National University sa 3-3.
Nangunguna pa rin ang Ateneo, sa kabila ng kabiguan sa La Salle nitong Sabado, tangan ang 6-1 karta, habang nakabuntot ang Lady Archers sa 5-1 marka.
Kumana si rookie Diana Carlos sa UP na may 15 puntos, habang tumipa sina Nicole Tiamzon at Kathy Bersola ng 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
“Mga bata pa, makukulit,” sambit ni UP coach Gerry Yee.
“Kasi ise-set na lang natin, like we normally do, i-o-over natin. Papaluin na lang ng big man mo ida-drop ball pa.
Kinakabahan sila obviously,” aniya.
Naugunsan naman ng FEU Lady Tamaraws ang NU Lady Bulldogs, 25-22, 25-21, 25-21,para sa ikaapat na panalo, habang bumagsak ang Lady Bulldogs sa 3-3.