ILANG buwan na ang nakalipas matapos na isapubliko ang pagkuwestiyon sa mga kuwalipikasyon ni Sen. Grace Poe sa pagkandidato sa pagkapangulo. Matapos siyang idiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) noong Disyembre 2015, sa dalawang constitutional ground—na siya ay hindi natural-born citizen at hindi rin nakatupad sa 10-taong residency requirement para sa isang kandidato sa pagkapresidente—idinulog na ang kaso sa Korte Suprema, ang magbababa ng pinal na desisyon sa usapin.
Inaasahang maaayos na ang lahat kapag sinimulan na ng Comelec ang pag-iimprenta sa mga balota para sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016, ngunit hanggang ngayon, nananatili pa ring nakabitin sa kawalan ang usapin. Sinimulan na ng Comelec ang pag-iimprenta sa mga balota, at naroon pa rin ang pangalan ni Poe alinsunod na rin sa TRO na ipinalabas ng korte na pumipigil sa Comelec sa pagpapatupad ng diskuwalipikasyon nito hanggang hindi naibababa ang pinal na desisyon.
Noong nakaraang linggo, inihayag ng Korte Suprema ang pasya nito na nagpapatibay sa nauna nitong desisyon sa kaso noong 2013 ni Rommel Arnado, kumandidato para alkalde sa Kauswagan, Lanao del Norte. Si Arnado, isang natural-born Filipino citizen, ay naging naturalized United States (US) citizen. Kalaunan, tinalikuran niya ang kanyang US citizenship, nagsagawa ng Oath of Allegiance to the Philippines noong Hulyo 2008, at nilagdaan ang isang Affidavit of Renunciation of US Citizenship noong Abril 2009. Matapos ito, dalawang beses siyang bumiyahe patungo sa Amerika, gamit ang kanyang US passport sa parehong pagkakataon, ang huli ay noong Nobyembre 2009, anim na buwan bago ang halalan noong Mayo 2010.
“By using his US passport, he positively and voluntarily represented himself as an American, in effect declaring before immigration authorities of both countries that he is an American citizen, with all the attendant rights and privileges granted by the United States,” saad sa desisyon ng Korte Suprema. Nadiskuwalipika siya, hindi sa usapin ng citizenship, kundi sa hindi niya pagtupad sa one-year residency na hinihiling sa mga kandidato sa pagkaalkalde.
Naniniwala ang ilang eksperto sa batas na makaaapekto ang desisyong ito ng Korte Suprema sa kaso ni Senator Poe.
Napaulat na ginamit ng senadora ang kanyang US passport noong Marso 2010—may anim na taon na ang nakalilipas.
Madidiskuwalipika ba siya dahil sa usapin ng residency? Ang isang kandidato sa pagkapangulo ay dapat na isang natural-born citizen na nakatira sa bansa nang mahigit 10 taon bago ang eleksiyon. Ngunit iginigiit ng mga abogado ni Poe na ang desisyon sa kaso ni Arnado ay hindi maia-apply sa kaso ng senadora.
Tunay na walang katiyakan ang lahat, hanggang hindi ibinababa ng Korte Suprema ang desisyon nito. Limang beses na itong nagpulong sa loob ng limang linggo para magsagawa ng mga oral argument sa kaso ni Poe at inaasahang pagpapasyahan na ang usapin anumang araw ngayon, bago o pagkatapos ng Kuwaresma ngayong Marso, hanggang sa Abril 3, na ang kataas-taasang hukuman ay tradisyunal nang umaakyat sa Baguio City.
Hindi maaaring apurahin ang korte sa mga deliberasyon nito, partikular na sa isang kasong kasing kritikal nito.
Gayunman, umasa tayong maibababa ang desisyon sa lalong madaling panahon, upang ang usaping ito na nakalambong sa kandidatura ng isang nangunguna sa mga presidential survey ay tuluyan nang matutuldukan.