MUKHANG hindi naningil ng talent fee sina Piolo Pascual at John Lloyd Cruz sa pelikulang Hele Sa Hiwagang Hapis na idinirek ni Lav Diaz at produced ni Direk Paul Soriano para sa Ten17P Productions na nanalo ng Silver Bear Alfred Bauer Prize sa katatapos na 66th Berlin International Film Festival.
Nasabi namin ito dahil mura lang pala ang production cost ng pelikula, P8M lang kahit na nag-location shooting sila sa Sorsogon at Bataan.
Kung naningil sina Piolo at John Lloyd na parehong money-maker ng ABS-CBN at Star Cinema, kulang na kulang ang P8M, di ba, Bossing DMB?
Kuwento sa amin ng isang kaibigan namin na nakasama sa shooting, nag-enjoy daw silang lahat sa set ng Hele Sa Hiwagang Hapis dahil masaya at cool katrabaho si Direk Lav.
Kuwento ng isa pang taong nakatrabaho na rin si Direk Lav, sadyang matipid daw talaga ang kilalang filmmaker dahil nga sanay na sa paggawa ng indie movies.
“’Yung mga big scenes kasi niya, mga tao lang din niya ‘yung mga kinukuha niya o kaya ‘yung mga tao lang do’n,” sabi pa ng kausap namin.
Bakit hindi si Direk Paul ang nagdirek ng pelikula, bakit kumuha pa ng ibang director?
“In-experience namin katrabaho si Lav, everyday ang shooting, at enjoy naman,” sagot sa amin.
Maganda ba talaga ang pelikula at hindi boring dahil umabot nga sa walong oras ang haba.
“Maganda ‘yung movie, cineaste kasi ako. Malalim pero ‘pag nabuo mo (ang panonood), maintindihan mo. May boring factor ‘pag hindi ka nakuha sa first three hours, sabi nga ni Lav, ‘it will be an excruciating experience’.”
Biniro namin ang aming kausap na mas malaki pa ang production cost ng Love Is Blind ni Kiray Celis na umabot sa P12M.
“Mahal ang artista nila,” napahalakhak na sagot ng kausap namin.
May ganu’n? (REGGEE BONOAN)