Magpapatupad ngayong Martes ng umaga ng dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Pilipinas Shell.
Ayon sa Shell, epektibo 6:00 ng umaga ng Marso 1 ay magtataas ito ng 20 sentimos sa presyo ng kada litro ng gasolina, kasabay ng 15 sentimos na tapyas sa kerosene at 10 sentimos sa diesel nito.
Asahan na ang pagsunod ng ibang kumpanya ng langis sa kaparehong dagdag-bawas sa petrolyo, kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ang bagong price adjustment ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Noong Pebrero 23, nagtaas ang mga kumpanya ng langis, sa pangunguna ng Shell, ng P1.30 sa presyo ng diesel at kerosene, habang P0.95 naman sa gasolina.
Samantala, nais naman ng Department of Energy (DoE) na mag-imbak ang bansa ng supply ng petrolyo, partikular sa gasolina at diesel, na madalas gamitin ng consumer hanggang mababa pa ang presyo ng mga ito sa international market.
(Bella Gamotea)