Pinataob ng tambalan nina Peter Gabriel Magnaye at Alvin Morada, gayundin nina Antonie Carlos Cayanan at Philip Joper Escueta ang kani-kanilang karibal para maisaayos ang all-National finals sa men’s double event ng 9th Prima Pasta Badminton Championship nitong Linggo sa Powersmash courts sa Makati City.

Ginapi nina Magnaye at Morada, pambato ng PBA-Smash Pilipinas national team, ang tambalan nina Ronel Estanislao at Paul Jefferson Vivas, 10-21, 21-11, 27-25, habang namayani sina Cayanan at Escueta kontra sa tambalan nina Paul Gerald Gonzales at Prince Joshua Monterubio, 21-16, 21-13, para maselyuhan ang title-showdown sa torneo na bahagi ng national ranking.

Sa women’s doubles open semifinals, nanaig ang tambalan nina Jessie Francisco at Eleanor Inlayo kontra kina Joella Geva De Vera at Alyssa Geverjuan, 18-21, 21-18, 22, 20. Makakasagupa nila sa finals ang kapwa national players na sina Alyssa Leonardo at Thea Marie Pomar, nagwagi kontra Malvinne Poca Alcala at Gelita Castilo, 25-15, 21-16.

Samantala, nakamit nina Alex Borromeo at Christian Sison ng Pohang Badminton Center ang men’s doubles B title laban kina Joffre Arollado at Ian Bautista, 23-21, 17-21, 21-14, habang kampeon sa women’s doubles B sina Steffie Aquino at Flo Lamigo, nagwagi sa tambalan nina Aires Amor Montilla at Aimira Ramos, 21-20, 17-21, 11-9.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!