Magtitipon ang mahigit sa 500 elite, national at training pool athletes upang ipakita ang kanilang husay at patunayan na nararapat sila sa pambansang koponan sa pagharap sa hamon ng mga karibal sa gaganaping POC-PSC-Philippine National Games sa Lingayen, Pangasinan.
Kinumpirma ng host ang kahandaan para sa pinakamalaking multi-sports ngayong taon, sa pamamagitan ng nilagdaang memorandum of agreement (MOA) ni Gov. Amado Espino Jr. sa PSC at POC.
Isasagawa ang kampeonato ng PNG sa Marso 7-11 matapos na magsagawa ng tatlong qualifying event noong nakaraang taon. Unang isinagawa ang Luzon Leg sa Malolos, Bulacan noong Hulyo 3-6 bago ang Mindanao Leg sa Pagadian City, Zamboanga Del Sur noong Setyembre 11-14.
Huling idinaos ang qualifying leg sa Visayas sa Antique noong Nobyembre 11-14.
May kabuuang 22 mula sa orihinal na 32 sports ang paglalabanan sa torneo na gagamiting basehan ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) para panatilihin o alisin sa national team ang atleta.
Isasagawa na lamang ang archery, arnis, athletics, badminton, billiards, boxing, chess, karatedo, swimming, taekwondo, cycling, dancesports, futsal, judo, lawn tennis, muay thai, pencak silat, sepak takraw, table tennis, volleyball, weightlifting at wrestling. (ANGIE OREDO)