IPINAGDIWANG kamakailan, Pebrero 25, ang ika-30 anibersaryo ng EDSA People Revolution. Ito ay isang natatanging Himagsikan na walang dugong dumanak at mga buhay na nautas. Sa pagkakaisa ng mamamayan, napabagsak ang 20 taong rehimen at diktaduryang Marcos. Naibalik ang demokrasya at kalayaan na sinikil at sinupil ng elitistang diktador.

Ang pagdiriwang ay pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino. Dumalo rin sa pagdiriwang ang isa sa pangunahing protagonista sa EDSA People Power Revolution na si dating Pangulong Fidel V. Ramos, at ang iba pa nating mga kababayan mula sa iba’t ibang bayan sa Metro Manila, mga miyembro ng religious congregation na lumahok noon sa apat na araw na Himagsikan. Gayundin ang matataas na opisyal at tauhan ng Philippine Army, Philippine National Police, at iba pang nasa pamahalaan na walang naging papel sa naganap na EDSA People Power Revolution.

Naging bahagi ng pagdiriwang ang pagkakapit-bisig sa reenactment ng “Salubungan” at ang “Freedom Leap” o ang Lundag ng Kalayaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Ngayong 2016, kasama sa “Freedom Leap” sina Pangulong Noynoy Aquino, at si Bobby Aquino, anak ng yumaong Senador Butz Aquino.

Palibhasa’y nasa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution at huling taon na ng pagdalo ng Pangulong Aquino, inasahan ng ating mga kababayan na ang pagdiriwang ay magiging panahon na sana ng pagbabalik ng pagkakaisa na tunay na diwa ng EDSA People Power.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ngunit, nabigo rin at lalong nawalan ng pag-asa ang marami nating kababayan sapagkat ang talumpati ni Pangulong Aquino ay naging dahilan para lalong hindi magkaisa at pagkakawatak-watak ng ating mga kababayan.

Sa talumpati ni Pangulong Aquino ay mariin niyang binatikos at dinurog ang rehimeng Marcos, ang martial law at ang mga nangyari sa panahon ng paninikil at panunupil ng diktador.

Ayon kay PNoy, hindi dapat na ituring na “Golden Age” ng Pilipinas ang rehimeng Marcos kundi isang bangungot na hindi na dapat maulit muli sa pagbabalik sa poder ng pamilya ng yumaong Ferdinand Marcos.

Pinaalalahanan din niya ang publiko, lalo na ang kabataan, tungkol sa mga karahasan noong panahon ng batas militar, kasabay ang panawagan na huwag hayaang mabawi ang kapangyarihan ng pamilya ng dating diktador sapagkat hindi pa humihingi ng paumanhin ang mga ito sa sambayanan. Binatikos din niya sina Senador Bongbong Marcos at Senador Juan Ponce Enrile sa hindi pagpasa sa Senado ng Bangsamoro Basic Law (BBL).

Dahil dito, maraming nainis, nadismaya, at napatingala na lamang sa langit. May nagsabi pa na sa halip na pasalamatan sa talumpati ang mga kababayan nating lumahok sa EDSA People Power Revoluion noon at manawagan sa sambayanang Pilipino na muling magkaisa alang-alang sa ating bayan at kabataan, sinayang niya lamang ang pagkakataon. (CLEMEN BAUTISTA)