ANG walang pakundangang pagtuligsa kay Presidente Ferdinand Marcos kaugnay ng kanyang pagdeklara ng martial law ay isang matinding pagyurak sa kulturang Pilipino. Isipin na ang dating Pangulo ay nakaburol pa sa isang refrigerated crypt sa Batac City, Ilocos Norte at hinihintay pa ang tamang panahon sa paghimlay sa kanya sa Libingan ng mga Bayani. Sa mga Pilipino, at maging sa iba’t ibang lahi sa daigdig, matindi ang ating paggalang sa mga yumao.

Katunayan, sa mga luksang parangal o necrological services, labis-labis ang ating pagdakila sa mga sumakabilang-buhay; inilalarawan natin ang kanilang kahanga-hangang mga katangian at mabubuting nagawa nang sila ay nabubuhay.

Bihira tayong makarinig ng mga pagbatikos sa mga yumao, lalo na kung sila ay pinaglalamayan pa.

Subalit sa pagbatikos sa dating Pangulo at sa kanyang pamilya, kaugnay ng paggunita sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power, pinalitaw na sila na ang pinakamasama sa buong daigdig. Mata lang ng mga Marcos ang walang latay, wika nga. Tulad ng binigyang-diin sa talumpati ni Presidente Aquino sa naturang okasyon, walang daan upang makaligtas sa mga pananagutan ang pamilyang Marcos.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi maikakaila na kabi-kabila ang naganap na pagmamalabis at kalupitan noong diktadurya. Kabilang kami sa mga naging biktima nang biglang ipasara ang pinaglilingkuran naming peryodiko – ang orihinal na Manila Times Publishing na pag-aari ng Roces Family; nawalan kaming lahat ng trabaho na ikinabubuhay ng aming mga mahal sa buhay.

Hindi rin naman maililihim na marami ring makabuluhang nagawa ang rehimeng Marcos, mga proyekto na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng sambayanan at ng mismong administrasyon.

Ang tindi ng mga pagbatikos ay ibinuhos kay Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na kumakandidato bilang vice president. At nais ng administrasyon na ipaako sa kanya ang lahat ng mga naganap sa panunungkulan ng kanyang ama.

Sa gayong mga pagtuligsa, lumilitaw na mistulang ikinakampanya pa nila ang kandidatura ni Bongbong.

Sa ganitong sitwasyon, hayaan na lamang natin na ang kasaysayan ang humusga sa nakaburol pang Pangulo, at sa ating lahat. (CELO LAGMAY)