INILUNSAD ng isang pandaigdigang grupo ng mga siyentista ang tatlong-taong assessment sa epekto ng sangkatauhan sa kalikasan upang maprotektahan ang mga halaman at mga hayop sa iba’t ibang banta, mula sa polusyon hanggang sa climate change.

Ang pag-aaral, na nakatakdang makumpleto sa 2019, ay susuri sa biodiverstiy, mula sa bakterya hanggang sa mga blue whale, at sa “ecosystem services” na sasaklawan ng kahalagahan ng coral reefs bilang mga nursery para sa mga isda hanggang sa papel ng kagubatan sa pagsipsip sa greenhouse gases.

Taong 2010 nang magkasundo ang mga gobyerno sa serye ng mga hakbangin para maprotektahan ang kalikasan, kabilang ang pagpigil sa tuluyang pagkawala ng mga naglalahong species pagsapit ng 2020, ngunit sinabi ng mga siyentista na hindi malinaw ang ideya nila tungkol sa panahon ng pagpapatupad nito, at kung aling hayop o halaman ang naglalaho.

Ang bagong assessment ng Intergovernmental Science-Policy Platform on Biodiversity and Ecosystem Services (IPBES), na may 124 na bansang miyembro at itinatag noong 2012, ay bahagi ng solusyon upang maunawaan kung paanong nakaaapekto ang mga aktibidad ng tao sa ating planeta.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“IPBES’s goal is to give policymakers and all of society a more complete understanding of how people and nature interact,” saad sa pahayag ni Simon Ferrier, ng national science agency CSIRO ng Australia, at isang mataas na opisyal ng IPBES.

Dagdag pa niya, makatutulong ang mga pag-aaral ng IPBES upang magabayan ang pagdedesisyon sa mga bagong polisiya sa hinaharap. Sa isang pulong sa Kuala Lumpur, Malaysia, inaprubahan din ng IPBES ang bagong hakbangin upang masusing mapag-aralan ang mga alternatibo sa polisiya.

Maraming halaman at hayop ang nahaharap sa mga banta, gaya ng pagkawala ng tropical forest habitats upang bigyang-daan ang mga taniman na magpapakain sa lumalaking populasyon ng mundo, pagpapalawak sa mga kalsada at siyudad, polusyon, at epekto ng pag-iinit ng mundo o global warming.

Inilabas ng IPBES nitong Pebrero 26 ang una nitong pag-aaral tungkol sa pollination at natuklasan na ang mga bubuyog, paniki, paru-paro, at iba pa ay unti-unti nang nababawasan ang populasyon, kahit pa lubhang mahalaga ang mga ito para sa produksiyon ng pagkain ng mundo, na tinatayang aabot sa $577 billion ang halaga kada taon.

Pinili rin ng IPBES ang British atmospheric scientist na si Robert Watson, dating pinuno ng panel on climate change ng United Nations at dating vice chairman ng IPBES, bilang bagong chairperson nito, kapalit ni Zakri Abdul Hamid ng Malaysia. (Reuters)